Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Aug 2016
Ang posporo ay isang entabladong ginawa para masira,
Para magbigay ng panandaliang liwanag,
Para sayawan at indakan ng apoy,
At sa huli,
Lilisanin din ito,
Iiwan ang sunog at durog na entabladong isang beses niya lang sinayawan.

Tayo ay dalawang taong ginawa at itinakda ng tadhana para maintindihan natin ang pag-ibig,
Ginawa tayo para masira at maging buo muli,
Para sumayaw at umindak sa bawat kantang maririnig natin sa radyo,
Pinilas at tinapon natin ang huling yugto sa storya natin.
At lahat ng 'to,
ay isang posporong nasindihan na at nadurog,
nagngangalang sana

Eto ang posporong nagngangalang tayo
Sinindihan ito ng tadhana,
Nagliyab tayong dalawa sa kabila ng gabing malamig
Hindi nawala ang indayog ng apoy na pilit hinihipan ng hangin,
Patuloy na nagliliyab, kinakain ang kabuoan ng posporo
Hanggang sa nawala,
Hanggang sa napagtanto ko na ako pala ang posporong sinayawan mo.

Ako ang posporong hangarin ang masayawan ng apoy **** mapangsindak,
At ayaw maubos ng iyong liyab,
Ako ang entabladong pwede **** sayawan nang walang hanggan,
Sana'y hindi ka umalis nang natapos pa lamang ang isang kanta,
Ngunit
Nawala ka
Umalis,
Iniwan ang sunog at durog kong entablado

Ikaw ang apoy na pumuno at umubos sa akin,
Ako ang posporong nagsisilbing patunay ng ating munting sandali
Pinilit kong hanapin muli ang alab mo,
Ngunit napagtanto
Aanhin mo pa ang nasindihan na posporo?

Hanggang ngayon,
Hindi ko pa rin mawari na sa buong akala ko
Sabay nating pinilas ang huling yugto ng storyang sinulat natin,
Ngunit pagkatapos ng lahat,
Tinago mo pala 'to at idinikit muli sa kwento nating dalawa.
Jun Lit Nov 2017
Matalinhaga ang kahapon,
ang nagdaang panahon:
kapeng mainit na pinalalamig, hinihipan
pero di malag-ok, nakakapaso sa lalamunan
Tila alon sa dalampasigan
itinataboy ng pampang
ngunit bumabalik ang mga ala-alang
pilit itinatapon, kinakalimutan.

Mga tagpong akala’y isang dipa lamang
tila ang pagitan
ng lupa at kalangitan
ngunit nang tatawirin na’y
bangin pala ang kailaliman
walang tulay na magdugsong
sa sanlibong katanungan
sa mga gumuhong moog
at nadurog na diyos-diyosan.

Sa sulok ng balintataw
isang paslit ang natanaw
tumatakbo’t humahabol, sumisigaw
tinatawag niyang “Tatay!”
iyong nakalagak, isang bangkay
sa kabaong na ipapasok, ihihimlay
sa nitsong pintado ng puting lantay
- labi ng aking amang hinagilap na suhay

Sa lamay ng patay,
ang kapeng barako ay buhay
bumubukal, walang humpay
maalab ang pakikiramay,
sawsawan ng tinapay
          Sa lamay ng patay
          nagsisikip man ang dibdib
          magkunwari’y kailangan
          nagdurugo man ang puso
          lakas-loob ang kaanyuan

Habang umaagos ang litanya
sa labì ng punong magdarasal
pumapatak ang ulan ng luha
walang puknat ang “Bakit?”, nag-uusisa
Hindi napapahid ng panyong pinipiga
ang hapdi ng sugat sa naulilang diwa
lalo’t ang bayaning inakala
ay pasang-krus pala ng inang dinakila

Matalinhaga sadya ang kahapong nagdaan,
pelikulang kulay sepya, kumupas na sa kalumaan:
Lumamig na ang inuming sa burol ay itinungga
Tahimik na silang nagtungayaw ng sumbat at sumpa
Sa malayo’y kumakaway ang palaspas ng payapa
Nagpahinga na rin ang ilaw na sa aki’y nagkalinga

Sumisilip sa alapaap ang impit na sinag
Naglalaho na ang mga bituin sa liwanag
ng unti-unting pagsabog ng araw na papasikat
At sa pagbangon, bagong umaga’y may pahayag

Gigisingin akong lubos, tila tunog ng gong
ng bagong-luto **** pagsalubong
Isang lag-ok muli, aasa, susulong
kung saan man hahantong . . .
To be translated as "Brewed Coffee IV"
owt Jun 16
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga sugat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.




𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝒶 𝒹𝒾𝓃𝒾𝑔 —
kailangan lang
pakinggan muli.
#2

— The End —