Dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.
Nasanay na rin akong umupo sa tabi nila; makinig sa kanilang mga istorya, tumawa nang tumawa dahil posibleng hindi na ito maulit pa, gumamot ng mga sugat, at kasabay ng mga ito ay ihanda ang sarili sa salitang "paalam".
Nasanay na ako—pero nakakapagod din pala.
Nakakapagod palang maglaan ng oras sa isang taong alam **** anumang segundo ay maaaring magpaalam na.
Nakakapagod palang makinig sa mga kuwento niya habang hinahanap ang lugar mo sa kanyang kasaysayan, habang napapaisip kung babanggitin ka rin kaya niya pagkatapos ninyong maghiwalay ng landas.
Nakakapagod palang buksan ang buhay mo para sa isang tao kung sa simula pa lamang ay batid **** bubuksan mo rin ulit ang pinto, sasamahan siya palabas, ihahatid sa sa tarangkahan, at tatanawin hanggang mawala sa iyong paningin.
Iniisip ko palagi kung bakit hindi sila nagtatagal. Bakit palagi akong iniiwan? Bakit paulit-ulit lamang ang itinatakbo ng bawat kuwento? Iba't ibang tao, iisa lamang ang nagiging dulo. Sa katagalan ay nasanay na ako sa pagtatapos, iyong tipong nagsisimula pa lamang ay tinatanggap ko na ang pagwawakas nito.
Dahil dumadaan lang sa akin lahat. Lahat sila ay mga manlalakbay na hindi nagtatagal at umaalis din para muling tahakin ang daan patungo sa kanya-kanya nilang pinapangarap na destinasyon.
Kailan kaya ako magiging destinasyon?