Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“The essence of reality is contradiction”
- Hegel

Ang tao ay likas na malaya, nabubuhay na malaya at dapat na maging malaya. Walang karapatan ang sinoman na mang-alipin. Hindi tayo pag-aari ninoman at walang taong ‘pweding umangkin sa kapwa n’ya. Ito ang batas ng kalikasan at ng uniberso. Walang panginoon at busabos, walang dapat na nag-uutos, at wala dapat mga alilang tagasunod. Sana ang buhay ay puro na lang Rosas at walang posas.

Subalit nagdilim ang kasaysayan nang maghari ang kasakiman na pinukaw ng matinding paghahangad ng iilan sa kayamanan. Kailangan na makakuha ng maraming kalakal nang lumawak ang merkado. Pero teka sino ang gagawa nito? Edi kunin ang mga mahihina at gawin silang mga alipin, pilitin na magtrabaho sa ilalim nang hagupit ng latigo. Hawakan sa leeg o di kaya naman ay kitilin, sa ganitong paraan sila dapat na pasunurin.

Tanang pagmamalabis ay may wakas. Hindi lang si Spartacus ang nag-alsa kundi pati ang mga itim na alipin. Sumiklab ang himagsikan sa paghahangad ng mga alipin na kumawala sa kanikanilang mga tanikala.

Dumating ang panahon ng Piyudalismo, nagbagong anyo lang ang halimaw at muli n’yang inalipin ang mga kapos-palad at mahihirap. Nangibabaw ang Aristokrasya na parang maitim na ulap na lumalambong sa himpapawid kaya hindi makita ang sinag ng araw. Salamat na lang at bumagsak ang Bastille at nagtagumpay ang rebolusyong Pranses.

Mula sa mga guho ng lipunang piyudal ay lumitaw ang mga bagong panginoon, ang mga Burgis. Sila ang mapagsamanta at naghaharing-uri sa ating panahon. Mga kapitalista, elitista at mga burgesya komprador.

At tayo na nasa baba, tayo na ang puhunan para mabuhay ay dugo’t pawis, tayo na mga proletaryo ang s’yang makabagong alipin. Mga alipin ng burgesya na ating pinapanginoon, tayo na lumilikha ng yaman ng bansa ang s’yang laging pinagsasamantalahan at binubusabos. Tinatakot na gugutomin kapagka hindi nagpa-ubaya at sumunod sa utos.

Habang tumatagal ay tumitindi ang mga salungatan at kontradiksyon sa pagitan ng mayaman at ng mahirap. Bulkan ito na sasabog sa bandang huli.

Ang batas ng kasaysayan ang nagsabi na ang lahat ng uri ng pang-aapi ay magwawakas. Nag-alsa ang mga alipin, naghimagsik ang mga pesante hindi magtatagal gustuhin man natin o hindi titindig ang mga proletaryo at sama-sama nilang ibabagsak ang kapitalismo na itinataguyod ng mga burgesya komprador.
kahel Jan 2017
Ganyan lang ginagawa ko sa tuwing ika'y dadaan sa aking harapan
Para ang galabog sa aking dibdib ay mabilis na mapagtakpan
Dahil ito lang ang alam kong posibleng paraan
Upang ang tibok ng aking puso ay mapadahan-dahan
Na tanging sayo lamang ilalaan

Ganyan lang iniisip ko sa tuwing wala ng maisagot sa exam
Tipong pati pag gamit ng tandang padamdam ay hindi ko na din alam
Kung sa pangungusap ba dapat ilagay o sa sariling nararamdaman
Bakit bigla ka na lang nagpaalam ng walang paalam
Kaya patuloy ang aking walang katapusang pag-aagam-agam

Ganyan lang inaarte ko sa tuwing hinihintay ang napakatagal na order sa kainan
Di sapat ang halaga ng lasa pero lulunukin na lang ng walang angal dahil di pa nagtatanghalian
Para naman kahit papaano ay magkalaman ang aking tiyan bukod sa mga paru-paro na iyong dahilan
Bakit ko nga ba binabalik-balikan ang mga inihain **** iba't ibang ilusyon at kasinungalingan
Na hanggang ngayon ay naniniwala pa rin, at patuloy na maniniwala na ikaw at ako ay walang hangganan

Ganyan lang ang sinabi ko sa sarili ko ng makita kang may kasamang iba
Nalunod ka lang pala kaya ginawa mo akong salbabida
Pero bakit di ko mabago ang daloy ng kwento na ikaw pa rin ang aking pinakamagandang bida
Hindi ko makakalimutan ang huling gabi na tayo ay pinagsama ng tadhana
Nasa ilalim ng mga maliliwanag na tala at sinusulit ang huling sulyap sa iyong mga mata

Yan lang ang alam kong pwedeng gawin sa mga ganitong sitwasyon, ang maging cool.
Na hindi kailangan sa bawat eksena na mangyayari, ay may gawin na aksyon
Hinayaan panoorin ang kagandahan ng pag-guho ng ating mga mundo
Dahil hindi na maaaring sagipin ang pag-asa, magmukmok man o humagulgol mag-hapon
Lalo na't sa panahong kulang ako, naging kulang tayo; sayo.
Jose Remillan May 2017
Marahan niyang pinitas ang
Huling gumamela sa hardin.
Kasama ang liham at lihim
Ng puso, inialay sa paralumang

Matagal-tagal ding itinangi,
Itinangis sa tadhana, ng walang
Hanggang paghilom at pag-asa.
Anuman ang mangyari, patuloy na

Idadako ang paningin sa pagtingin,
Hindi sa hapóng damdamin, hindi
Sa mga lamat ng puso, bagkus
Sa alamat ng bagong pagsuyo,

Paulit-ulit mang danasin ang guho.
Jose Remillan May 2016
Kung sakaling mapadpad
Dito ang balahibo ng pakpak
Ni Icarus, huwag **** hayaang
Mawaglit sa iyong isip ang bilin

Ko ukol sa ika-10 ng Enero.
Ito ang araw kung kailan nagpasya
Ang buwan na yakapin ang araw,
Hindi dahil sa tiyak na liwanag,

Kundi dahil sa katiyakan ng hiwaga.
Kasabay ng metapisikal na pagniniig
Na ito ang huling hatol ng Daruanak
Sa Binibining nabighani sa binistay

Na luha ng makata.
Makikita pa sa panganorin ang unang
Sulyap sa huling alapaap ng dilim.
Ngunit wala na ang kulog, maging

Ang pagkahulog sa bitag ng ligalig.
Alalahanin mo na lang ang dagat at
Ang pangako nitong kapahingahan
Kung sakaling sa paghahanap natin

Sa bahag-hari ay wala na sa ating
Maiwan kundi mga guho, mga mumo
Ng mga musmos na puso. Ang
Mahalaga lahat ng ito'y nakatalá na

Sa mga tála.

— The End —