Unang Kurap
Nagising ako sa isang tahanang walang dingding, haligi o kasangkapan.
Tanaw ko ang mga ulap sa kalangitan at dinig ko ang mga ingay ng mga nagdaraan.
Ninais kong tumayo kaya’t iniangat ang aking ulo
ingat na ‘wag masagi ang mga nagdurugong sugat.
Nanginginig ang buo kong katawan at nanlalambot ang mga kalamnan.
Hindi ko halos maaninag ang kulay ng aking paligid sa itim na usok na nagkukubli nito.
Iginala ko ang aking mga kamay sa pag-asang baka may iilan pang piraso ng tinapay na natira mula kahapon.
Ginalugad ng mga daliri ko ang bawat sulok ng kawalan at bawat supot ng pangarap
ngunit ako’y bigo.
Isang sisidlang kalawangin ang aking nadampot
isang sisidlan ng pira-pirasong awa ng mga taong kahit na papaano’y nakauunawa sa kalagayan kong aba.
Inuga ko ng ilang ulit ang lata ngunit walang ingay ng barya
walang musikang magpapaligaya.
Magsisimula akong humikbi ng paunti-unti na para bang malalakas na kulog sa nagbabadyang pagbagsak ng ulan.
Pipigilan kong maigi ang mga luha hanggang sa mayroong magkamaling sumagi sa aking mga sugat,
saka ko lamang sisimulan ang isang marahang pagluha na magtatago sa tunay na sanhi ng pag-agos nito
kasabay ng pag-inog sa aking isipan ng mga katagang
"sana, hindi na lang ako nagising."