Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sinukat ko ang bawat metro't pinagtagpi-tagpi
Sa nakalatay na papel na siyang may lamat
Na minsan kong pagkakamali.

May ilang letrang naging tuntungan
At ang alagang walang buhay --
Ang koneksyon ay tungo sa bukal ng liwanag;
Moderno na kasi kaya't kailangang makisabay
Noong manwal pa lamang, mapagsa-hanggang ngayon..
Teknolohiya'y senyales na ng transisyon.

Matagal nang napaso ang pagal kong mga daliri
Sigaw nila'y tulog sa walang himbing na mga sandali
At sa kursong tinapos, ngayon pa lamang ang simula
Nagising ang pangarap na siyang binigla.

Ang oras daw ay ginto
At minsa'y kailangang habulin ang mga numero
Ngunit sa bente-kwatrong tangan-tangan
Tila hindi sapat.

Muli kong binilang ang nalalabing araw
Tanging ang pangpito ang siyang pahinga
Ganito pala ang katotohanan, wika ko.

Salamat sa huling araw
Na iluluwal muli ang gintong araw
Itataas kong muli ang kapagalan
At ako'y bubuhusan ng lakas at determinasyon.

Sabi Niya nga sa akin,
Wag daw akong mapapagod
Pagkat hindi matatapos ang araw,
May panibago na namang hamon.

Salamat sa Maykapal
Salamat sa saglit na pahinga
At sa tubig mula sa bukal;
At minsan ako'y tinawag Niya
Ako'y tumango sa layon, may armas ng pagkaligtas
Ang pananampalata'y patuloy din.

Bitbit ko ang puso Niya
Na lagi Niyang bahagi sa akin
Sa banal na kasulatan na bumukas ng pag-iisip
At nang ang buhay ay mapahalagahan ko.

Kung ang direksyon na ito'y balakid sa layon Niya
Mabuti pa't maglaho na lamang
Ang bawat oportunidad, kahit ito'y ikatutuwa ko
Tanging ang nota ko'y Siya lamang
Wala nang iba pa, at kung nasaan man Siya,
Doon ako'y tutungo; doon din ang paghimbing.

Salamat Ama, salamat Hesus at sa Banal na Espirito - purihin Ka!

(6/28/14 @xirlleelang)
Lance Cecilia Dec 2015
nang dumating ako sa kalyeng puno ng alaala
pinagmasdan ang kalsadang bagong gawa
bakas pa rito ang pagdaan ng mga pison na pilit na pinapantay ang baku-bakong landas ng aking kinabukasan

'di pa gaanong tuyo ang itim na aspaltong kalalagay lang
at sinusubukang takpan ang sementong 'di man lang nakatikim ng liwanag tulad ng aking puso
ang aking pusong sa bawat tibok ay binubuhusan ng malagkit na aspalto ng pagkalimot

at ang sementong balot na balot ng matigas at malutong na aspalto'y paulit-ulit na dinadaanan na tila walang pakialam sa kung gaano ba kasakit masagasaan nang paulit-ulit, paulit-ulit, paulit-ulit

hanggang sa magkawatak-watak ang aspaltong kalasag ng semento mula sa liwanag

at kung ito'y mangyari ay susubukan muling ayusin
at bubuhusan ng mainit na aspalto upang takpan ang mga sugat at butas na sumisilip sa liwanag

ngunit tulad ng pagdidilig sa patay na halaman o sa pagpilit na malimot ang minahal
ay imposible at walang katuturan
dahil ang nagagawa lamang ay baku-bakong kalsadang puno ng alaala
at kung pagmamasdan ang kalyeng bagong gawa
ay bakas ang paghihirap at pagpilit na ikubli ang itinatagong nakaraan

— The End —