Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Wolff Sep 2018
Tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
"sabihin mo sa mama mo, na nagbigay ako ng ulam"
"salamat po ninang!"
"walang anuman", bago siya lumisan.

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
"wala dito, kanina pa umalis mama ko"
utos sa anak na walong taong gulang
habang nagtatago sa palikuran
napakamot na lang ang naniningil ng utang
gigil na nagpaandar ng motor
sapagkat siya'y nagulangan

tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
sa pagkatok, tanong ay "tao po?"
sagot ay "tao po"
biglaan ang pagka gulantang
"anak, dali! magtago ka doon sa palikuran"
alam na niya kung sino ang dumating
takot ang bumalot sa kapaligiran
namumugtong na mga mata
at nginig na mga kamay na parehas kumakaliwa
bakas ang kaba sa mukha

at tatlong katok lang ang layo ng katahimikan
ang pinto'y hindi binubuksan
nabasag ang katahimikan kasabay
ng pagbagsak ng sirang pintuan
nasurpresa sa kanyang mga bisita
nangingilid na ang luha
bigay todo ang pagmamakaawa
isa dalawa tatlo, hanggang anim
anim na nakaunipormeng magsasaka
hindi palay ang itinatanim, kundi bala

kasabay ng panlalamig ng katawan
ang ingay ay nilamon bigla ng katahimikan
at kasabay ng katahimikan
ang kanyang ina
ay
binawian
ng
buhay...
© 2018 Kenneth Bituin
All Rights Reserved.
kingjay Jan 2019
Sa malayong baryo ng lalawigan ng Antigo, ng bayan ng San Arden
Nakatira kapiling ng ama
Sa murang edad, sanay magtrabaho
Magpukpok ng pako sa tabla

Sapagkat naulila sa inang nagluwal
Ikinapahamak ang matagal na pagpapakasakit
upang mailabas lang kapagdaka
bilang anak niya
sa kamalig ng kanyang ama

Kinalong ng lolo
Mga kamag-anak ay humingi ng saklolo
Bumugalwak ang dugo sa patadyong
May pag-asa pa bang mailigtas
kung dadalhin pa sa bayan nang gamutin ng pantas

Sa daraanan sa palayan, kay lakas ng ulan
Pumapagaspas ang dahon ng palay
Kakaunti lang ang hininga sa di magkamayaw na hangin
Talagang binawian na
Nautas ang ilaw ng pamilya

Sapagkat iisa lang ang bunso't panganay
Kailangan sundin ang utos at patnubay
Kung nabagot sa kahihintay,
sa pag-uwi may sasalubong-
hampas ng latigo na maglalatay
zee Oct 2019
Tadhana na ata mismo ang gumawa ng paraan
Upang hindi na muling mailahad ang kwento
Ng pagmamahalang  nauwi lang sa hiwalayan
Nais sanang mag balik tanaw; silipin kung paano pumanaw
Ang pag-iibigan nating binawian ng buhay
Tulad ng paglubog ng araw at pagsapit ng bukang liwayway,
Nagbago hindi lamang ang mga kulay ng kalangitan;
Mga pangako sa isa’t isa ay tuluyang napako
Pag-ibig mo’y tuluyan ng naglaho
At ang dating nagsisilbing mukha bagong pag-asa ay ‘di na makakamtan
Dahil nag-iba at napalitan ito ng kahulugan magmula nang ika’y lumisan
Michelle Yao Dec 2017
Habang ako'y kumakanta,
iniisip kita,
Dahil awit ko'y ikaw lamang laman,
simula noon pa man.

Noon, kanta ko'y palaging may buhay.
Ngayong wala ka na ito'y binawian ng buhay.
Bakit kasi kailangan tayo'y maghiwalay?

Puso ko ngayo'y nagdurugo,
Pero wala naman akong magagawa,
Dahil siguro, ito'y tinadhana

— The End —