Ang ibon na lumilipad ng mataas
Sumasabay sa ihip ng hangin
Tumatabi sa dalampasigan
Umaawit ng sariling awitin
Ipinupundar ang mga hampas ng tubig na hindi kumukupas
Minsan nang sumayaw ang ibon
Sa tabi ng dalampasigan
Natukso ng init ng hangin
At lamig ng karagatan
Sa isang sayad ng kanyang balahibo
Hinatak ng aplaya ang bisig ng mumunti
Nagsisigaw hanggang sa mawalan ng kibo
Nangamba na hindi na makakalipad muli
Ang buhay ng ibon
Tila isang kuwit
Tumigil at nanahimik
Naghihintay ng kasunod
Ngunit ang kuwit ay magpapatuloy parin
Hindi tulad ng tuldok na katapusan ang hantungan
Sa gitna ng pagbagsak at kalungkutan
Tayo, katulad ng ibon, ay makalilipad muli