Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Nagsimula na ang bilang mo,
Isa, dalawa, tatlo,
Nagsimula na ang aking pagtakbo,
Apat, lima, anim,
Nagtago na ako mula sayo,
Pito,walo,siyam,
Napakadami na ng aking hinakbang papunta sa dilim,
Takot man ako sa mga nilalang ng kadiliman,
Handa akong tumakbo papunta rito,
Basta’t makalayo lamang sayo.

Hindi ko na narinig ang pagtatapos ng iyong pagbibilang,
Hindi ko alam kung sino na sa atin ang nagtatago’t naghahanap,
Patapos na ba ang ating laro?
Kaya’t uuwi ka na lamang, at magpapahinga sa bahay niyo?
Lumalalim na ang gabi,
Natatanglawan na tayo ng mga bituin,
At mga alitaptap na tila kumikislap ang mga pakpak,
Ikaw ba’y naglalakad palayo sa akin?
O ako ba ay tumatakbo lamang paalis?

Gabing gabi na,
Tayo pa rin ay nagtataguan sa ilalim ng buwan,
Maglalakad na ako mula dito sa aking taguan,
Papunta sa iyong tahanan,
Wala na akong pakialam,
Kung ako man ay mataya o di kaya’y madapa,
Basta’t matapos na ang ating taguan,
At pagkakita ko sayo,
Sa dati **** pwesto,
Natapos ang iyong pagbibilang,
Sampu, narito na ako, nahanap na kita,
Hindi pala ikaw ang taya,
Aking mga mata lamang pala ay dinadaya,
Natapos din ang ating taguan,
Nahanap na kita, nahanap mo na ba ako?
 Oct 2020 Adriana
Daniella Torino
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.
 Oct 2020 Adriana
JK Cabresos
Milyun-milyong mga blankong mukha,
pipintahan,  
papahiran ng pintora
ang iba’t ibang kastilyo ng pangarap.

Subalit sa paglipas ng panahon
ang mga kastilyong ito’y rurupok,
at sa isang ihip ng hangin  
ay pwede ‘tong gibain.  

Masasanay kang matalo,
para sa atin ‘tong mundo.
Para sa atin,
hindi para sa kanila,
kailanman hindi ‘to masasakop
ng mga mapapait na luha.  

Nasanay ka na sa panonood
ng mga teleserye o pelikulang
kung ano ang theme song
ay ‘yon din ang pamagat.  

Nasanay ka nang mag-abang
sa paiba-ibang kulay na buhok
ni Vice Ganda, o ni Yeng Constantino,
ang umasa rin sa paiba-ibang desisyon
ng mga tao sa paligid mo.

Nasanay ka nang magmahal ang gasolina,
at iba pang mga bilihin  
ngunit hindi ang magmahal ng totoo,  
dahil takot kang masaktan ulit,
ang iwanan, o umasa ulit,
sa isang relasyong pang-post lang
sa FB, IG o Twitter,
‘yong pang-“#relationshipgoals” lang,
nasanay ka na pero takot ka pa rin.  

Nasanay ka na sa mga surprise quiz.
Sa exams. Sa reporting. Sa thesis.
Sa Singko, INC, Withdraw o Drop.
Sa pag-jaywalking,
dahil late na naman sa 7:30 AM class.  
Sa paulit-ulit na sorry.  
Sa paulit-ulit ding pagpapatawad.
Sa paghahanap ng ka-red string.
Sa paghahanap ng ka-forever.
Sa mabagal na internet.
Sa job interview. Sa gobyerno.    

Masasanay ka ring matalo
dahil ganito ang konsepto ng mundo.
Patitikman ka muna ng pagkabigo,
bago ka ulit maging buo.      

Baka rin bukas-makalawa
maiisipan mo nang mag-aral ng mabuti  
at iwasang ang usapang mabote,
ang bumangon ng maaga
at hindi papatayin ang naka-set na alarm,
ang maging totoo
sa taong nagmamahal sa ‘yo,
o kaya subukang ipa-Photoshop
ang 2x2 picture mo sa resume
para sa paparating na job interview.  

Masasanay ka ring matalo,
masasanay ka rin sa mga peklat mo sa puso.
Dahil hindi ito matatapalan
ng pulga-pulgadang concealer ng Maybelline,
o kahit ubusin mo pa
ang stock sa AVON, sa Watson, sa HBC, o sa Lazada.  

Kaya tanggapin mo na lang  
na ang buhay ay puno ng pagkatalo,
dahil sa huli para sa atin din naman ang mundo,
kaya wala kang dahilan para sumuko,
dahil ang sumusuko lang ang natatalo,
at ang hindi takot sumubok ulit
ang tunay na panalo.
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
SLEX
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Makailang ulit kong
Tinahak ang lansangang ito
Patungo sa layo at lapit
Ng ating pag-ibig.

Sa himig at pintig,
Puso't isip nati'y
Kapwa nananalig. Dinadaig
Ang siklo ng pagpaparoo't parito

Ng mga gulong na
Libong ulit man akong
Tangayin palayo at palapit sa'yo,
Ang lansangang ito ay
Mananatiling lantay na lansangan

Sapagkat ikaw ang daan.
For Jinky Tubalinal.

SLEX is an acronym for South Luzon Express Way, a superhighway
that connects the imperial Manila to the southern provinces of Luzon.

Quezon City, Philippines
April 2013
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Hindi ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib ngayong gabi. Tangay ng
Daluyong na pumapaindayog sa bawat
Paghagod, pagkumpas sa ritmo at ritwal

Ng pagsamba sa dambana ng laman,
Katas at dahas ng magdamag, sabay
Tayong lumalaya sa hangganan ng
Pag-ibig ng mortal nating katawan.

Hindi ang pag-ungol o ang malalim
Na pagbaon ng mga kuko sa talim
Ng bawat lihim ng silid na ito ang
Hahadlang sa atin patungo sa wagas na

Pag-ibig. Pakatandaan mo, lilipas ang
Alindog at handog na kagandahan ng
Katawang lupang kusang bumabalik,
Humahalik sa paanan ni Kamatayan,

Ngunit hindi kailanman ang wagas
Na katotohanang sa gabing ito, hindi
Ang dalawang katawang lupa ang
Nagniniig, nagsasanib, kundi tayo,

Bilang mga kaluluwa.
Bacoor City, Philippines
August 2013
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Pangarap kong maipinta ka
nang hubo't hubad gamit
ang ang luha at luwad na
lupang humulma sa gayak na
engkantasyon ng aking
mga mata.

Iguguhit ko ang kurba ng iyong
balakang gaya ng along nakikipagniig
sa malaking bato sa dalampasigan.

Ilulugay ko ang mahaba ****
buhok hanggang sa magmistula
itong malabay na lambong
na magkukubli sa'yong
kahinaan.

Igugughit ko ang iyong kabuuhan
gaya ng isang paslit na namamangha
sa hiwaga ng mariposang paroo't
parito sa alindog ng rosas ng
digma.
For Ms. Jinky Tubalinal
Bacoor City, Philippines
May 2013
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Kapag ang lupa'y nag-alay na ng huling hininga,
Alalahanin mo yaong sayo'y sumamo ng tiwala,
Humimbing ka sa mga nalabing labi ng karumalan,
Ilubog mo ang sarili sa pusod ng kawalan.
Tama kaibigan, ito na nga ang kamatayan.


Death

When the earth has breathed its last,
Remember the people who gained your trust
Then, sleep  with the ruins this monstrosity has created
Plunge yourself in deep desolation
Yes my dear friend, this is no longer an illusion.
This piece is my Filipino translation of Julie Ann Alfonso Pachoco's English poem entitled "Death." Julie Ann is my former student in the university. She is one of those who survived the enormous threats foisted by  traditional praxis of university education in the Philippines. There is an iota of truth in Einstein's words: "The only thing that interferes with my learning is my education."
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Kung sakaling mapadpad
Dito ang balahibo ng pakpak
Ni Icarus, huwag **** hayaang
Mawaglit sa iyong isip ang bilin

Ko ukol sa ika-10 ng Enero.
Ito ang araw kung kailan nagpasya
Ang buwan na yakapin ang araw,
Hindi dahil sa tiyak na liwanag,

Kundi dahil sa katiyakan ng hiwaga.
Kasabay ng metapisikal na pagniniig
Na ito ang huling hatol ng Daruanak
Sa Binibining nabighani sa binistay

Na luha ng makata.
Makikita pa sa panganorin ang unang
Sulyap sa huling alapaap ng dilim.
Ngunit wala na ang kulog, maging

Ang pagkahulog sa bitag ng ligalig.
Alalahanin mo na lang ang dagat at
Ang pangako nitong kapahingahan
Kung sakaling sa paghahanap natin

Sa bahag-hari ay wala na sa ating
Maiwan kundi mga guho, mga mumo
Ng mga musmos na puso. Ang
Mahalaga lahat ng ito'y nakatalá na

Sa mga tála.
 Oct 2020 Adriana
Jose Remillan
Sa tuwing hahapon ka't
Tanaw ng matá, paglao'y
Aagawin ng jeep palayo,
Paulit-ulit kong hinahanda
Ang kilometrong di man
Kalayuan, animo'y madalim
Na ulap pa ring lumulukob

Sa'king kaligiran. Hihintayin
Ka't papayapain, sa pagitan
Ng pangitain at pag-asa, na
Ilang ulit mang ulitin ang
Saglit na paglayo, walang
Makakahadlang, tayo ay

Sasagpang at kukubli sa lingid
Na daigdig upang maging
Mangingipon ng oras, ng rosas.
Ngayon: bagyo sa labas, unos sa
Loob. Sa tuwing hahapon ka't

Tanaw ng mata, paglao'y aagawin
Ng jeep palayo. Ngunit hindi ang
Puso, hindi ang pagsuyo.

— The End —