Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Louise Mar 2024
Alam ko namang ito ang magiging kamatayan ko.
Alam ko namang may hangganan din itong mayroon tayo.
Ang puso kong pasan-pasan ko,
at hila hila ko rin pati na ang sa'yo.
Ang pagkahulog ko ay akin lamang,
ang pagkakadapa ko'y sariling pagkakasala.
Ano ang sasabihin ng aking ina,
ang luha pag nakita ang duguang mukha?
Abutin mo ang aking kamay,
at tulungan mo akong tumayo sa aking paa.
At ang mukha ko'y punasan mo,
ang labi ko'y dampihan mo ng labi mo.
Ang aking ikalawang pagkakahulog,
alam kong wala nang sasaklolo.
At wag kang iiyak sa ngalan ko
ang luha mo'y para lamang sa'yo.
Ang ikatlong pagkakahulog,
ang iyong kapatawaran ay ibigay mo.
Aking kasuotan ay tanggalin mo,
aking kabayaran ay tanggapin mo.
Ang mga braso ko'y pigilan mo,
ang mga binti ko ay isunod.
Alisin mo ang paghihirap ko sinta,
ang paghinga ko'y wakasan na.
Alisin ang katawan ko't ilayo sa aking puso,
ang isip ko'y isunod mo pagkatapos.
At ipahinga mo ang bangkay ko sa tabi mo,
hanggang kamatayan sa'yo lang gagapos.
At hintayin mo aking muling pagbabalik, sapagkat ang aking ikalawang pagdating  ay ang paraisong di mo pa nararating.
"Semana Santa Sadgirl Series": no. 7

— The End —