Kasabay ng iyong pagpikit
ay ang imbay ng aking katawan,
pag-alon ng mga balikat at pagkibit.
Kasabay ng iyong pagtalikod
ay akma akong aapak at papalakpak,
dahan-dahang papalapit sa entablado.
Kasabay ng iyong pagkukubli ng damdamin
ay ang pag-muwestra ng tadhana sa akin,
pag-gabay tungo sa kung ano ang tuwid.
Kasabay ng pagtago ng nadaramang totoo,
ay ang siya ring paghahanap ko ng sagot
sa wari’y hindi mo masagot na tanong.
At kasabay ng pagsasara nitong kurtina,
ay ang paghinto sa pagpatak ng luha
at ang ating maligayang paglaya.
At kasabay ng pagdidilim nitong entablado
ay ang kaliwanagan na di nahanap sa’yo
at ang aking pagsuko para sa teatro.
At kasabay ng kanilang hikbi at palakpakan
ang pinakahihintay na pag-uwi sa kawalan
at pagsalubong sa sarswela na naman.