Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Dec 2021
Tila namanhid na ang babahaang landas
walang patid ang agos ng luha, habang walang habas
ang malupit na lilik-panggamas -
patuloy ang tila nag-aamok na pagwasiwas.

Kahit mura pa ang uhay
ng nagbubuntis na palay
Namúti na ang katiwala ng mga bunso't panganay:
Walang sinanto ang pakay
ng aninong sumalakay.
Sinimot pati ipa. Ang imbakang burnay
tuyung-tuyô, tila balóng patáy.

Ubos na ang mga ninuno sa Purok
Ang mga inanak at inapo, tila mga but-o ng kapok
nangalat na sa malalayong pook
Hindi na tumalab ang mga erihiyang tampok
Ang lamping ibinalot, balót na ng usok.
Ang binalot na kapirasong pusod, bakas na lamang ng balok.

Karipas na ang binatilyong habol ang mutyang pailaya.
May baon pang pagkain, pagsasaluhan pag nagkita
Ngunit mabilis na napawi ang tanawing kasiya-siya
Ang natapong lomi, natabunan na ng aspalto’t palitada
kasama ng mga bakas nina Utoy at mga kabarkada
sa ilang dekadang araw-araw na pagbagtas, nakasipit at gura
mula sa Baryo Balintawak hanggang Lumang Baraka.
Di na makilala. Wangis ay mistisong pilipit. Ay! Ay! Lipa!
This is the 17th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. Change is indeed inevitable. However, forgetting the past and/or revising history, will eventually prove quite costly for a country or people, culturally and in many other ways.
Jun Lit Jul 2021
Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Namnamin ang pampagising na pait
Habang ang likas na tamis, nilalasang pilit
Sa ‘yong lalamunang sabik, ang init guguhit.
Tulad ng bawat pagtatanghal, sa isip di mawaglit
Todo-bigay ang birit, tila laging huling hirit.

Araw-araw mang nakikita ang Bundok Malarayat
Hindi nagsasawang sulyapan ang Silangan pagmulat
Bawat araw na tayo'y buhay, may dalang sigla’t galak.

Hwag nang ipitin ang kwadrong alas o otso
Di na magiging mahalaga kung sino nga ba’ng nanalo
Kapag ang mga kalaro sa pusoy ay wala na ni anino.

Hagkan si Habagat at yakapin si Amihan,
Daluyong ma’y ihatid, sa kabila’y walang ganyan
Di-pinansing hininga’y aapuhapin sa paglisan

Ang lupang hinamak, tinapak-tapakan
Ang lupa ring naghandog ng susing kabuhayan
Ang lupa ring hihimlayan sa huling hantungan.

Lasaping mabuti bawat lagok, paulit-ulit
Kapeng barako’y masarap habang mainit
Ngunit wala nang bisa sa huling pagpatak ng saglit

Lasaping mabuti bawat lagok, bango’y langhapin
Kapeng barako’y larawan ng pagbangon at paggising
Ng bawat araw, biyayang pasasalamata’t tatanggapin.
16th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats. The series includes poems that focus mostly  on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years. The current COVID-19 pandemic has made us realize which things are really essential, who really matter and how volatile human life is, and that every single day when we wake up still alive is a gift in itself.
Jun Lit Jul 2021
Ang Lipa ng aking kabataan, tila kumakatawan,
sumasalamin sa mahal nating Inang Bayan

Ilang tampalasan na ang dumaan
Kolera eltor, malaria, pesteng balang
Mga sundalong Hapon, mga sakang
Malulupit na kampon ni Kamatayan
Dumaan pa ang sakit na kalawang
sa dahon ng kapeng inaalagaan
At bukbok sa bungang manibalang,
nanlalaglag, di na pakikinabangan.

Ngunit ibang klase itong ngayo’y salot
Bala ay di nakikita, mala-bola daw ang balot
at tila may mumunting galamay na nakakakilabot
at masusundan ka, sa’n ka man sumuot.

Binago ng COVID ang ating kapalaran,
pananaw, pagkilos, pati kabuhayan
Nakita kung alin at sino ang dapat pahalagahan
at kung sino ang tunay na karamay at kaibigan.

Kung sa nilagang kape pa ang pagtutularan
kitang-kita kung alin ang latak at alin ang matapang.
Nawa’y may masalok na pag-asa sa Silangan,
Nawa’y may malagok tayong kaligtasan.
15th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Jun Lit Mar 2021
Naampat na ang dugô,
patay na ang mga bayanì
Pipi’t ampaw nakatayo
ang katahimikang naghahari
Tulog ang diyos, Impô,
mga aswang nakangiti
Matatapos na ang “Aba po!”
lasing pa rin ang kudyapi

Kahit matapang ang kape
Di mahulasan ang kapre.

Ginayumang mamamayan
Tila bulag, tanga’t mangmang

Kapag may nagugulantang
Lalayas na rin, ‘kita’y iniiwan.

Ito
ang alamat
ng taumbayang niloloko
at patuloy na nagpapaloko;
ng bayang pinagsamantalahan,
ng bayang pinabayaan.
14th poem in my series "Kapeng Barako" - Kapeng Barako is brewed coffee in Lipa, Batangas, Philippines, often of the 'liberica" variety and roasted traditionally in large metal vats.
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.
Jun Lit Nov 2020
Bumalikwas ang madaling araw
Mapula ang sinag ng malamlam na ilaw
Mula sa pagkagupiling ng iniwang gabi
Isang paos na tilaok pinilit magsabi
Tila inutil na tuod ang unan at papag
Walang tugon ni tikhim man lang
para sa likod at ulong lumapat

Mapagkunwari ang kulambo
Lamok pala’y kalaguyo
Akala ng balana’y karamay
Sa magdamag na paglalamay
Batang ipinaglihi sa Sto Niño
Ibebenta pala sa demonyo

Naglaga ng kape ang among kapre
Butil daw ay hinirang ng musang na tumae
Galapong pala’y napanis na sapal
Nilagyan ng dagta ng nilinlang na bangkal
Bang-aw na ang panatikong tagasunod
Lublob na sa pusali, puwit pa rin ang hinihimod:

          Sayang ang kita, mamaya’y bayaran na!
          Copy-paste-post - sige pa!
          Ang perang kikitain ay mas mahalaga
          May paburger pa sina konsi at mayora
          O e 'no kung nasa poso ***** tanang kaluluwa?

Bayaning tangan ay tabak, tila nakanganga
Kinain na ng anay ang papel at pluma.
Brewed Coffee - 12; 12th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Aug 2020
Ilang dekada na ba ang lumipas
mula nang huling namúti
ng mga labong sa kawayanan
sa dulo ng kapirasong lupang
minana sa kanunuan ng angkan?

May bakas pa sa daanan ang dug-out
na tinabunan na ng mga naputol
na sanga at mga winalis na dahon,
naputol na sanga at bubot na bunga
ng mga chico, caimito at mangga,
na palaging inaakyat ng mga kuya
at nang-iinggit pa kunwari tuwina
at pagkababa’y mamimigay rin pala -
dug-out na tagapagligtas, taguan
noong panahong tila baga’y kani-kanina
lamang, sa mga mababangis na kempeitai,
sa malupit na pandaigdigang giyera.

Halos nalipol ang angkang bansag ay bisero,
umangat sa buhay dulot ng mga alagang kabayo
pagkatapos ng Liberation naging kaminero
mga kabayo’y kinatay ng mga bakero
na sila ring nambayoneta ng maraming tao
pagsaksak patulák sa balong igiban ng baryo
pati mga musmos at mga inang nagpapasuso
kulóng sa kamalig, sinunog nang buhay, at naabó.

Tila nakalimutan na ang madilim na nakaraan
at walang napulot na aral sa kasaysayan
ngunit natakpan man ng ningning ng mga ilaw-neon
at malawak na highway ang dating batalan at tuklong
Ang lansa ng dugong namuo sa balon sa sinturisan,
palaging nagpapaala-ala ng damdaming kinukuyom.

At ngayon,
wala nang mananakop na Hapon.
pero may pumapasok na bagong panginoon -
Handa nang himurin ang puwit ng mga Tsinong maton.
Brewed Coffee - 11; 11th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.
Jun Lit Feb 2020
Ikasampung lagok na
at higit pa
ng mainit **** ala-ala
subalit malapit man
wari kung aking tinitingnan
sa sulok ng napadpad na isipan
sa kabilang ibayo ng mga pananaw
sa malayong dalampasigan ng pagkatao,
hindi ko kayang abutin
ang pinutol kong pusod
na sa puting lampin ay ibinalot,
at ibiniting tila bituin sa mga alapaap.

Maghapon ko mang lakarin
mula sa aking pusong pinabango
ng galapong na bagong giling,
na kung saa’y tiniis ang init ng kahirapan
habang isinasangag ang bawat butil
ng sanlibo’t sandaang ari-muhunan
mula sa masuyong pinagsikapan,
pinagtiyagaang alagaan -
puno ng liberikang kape
ng lupang sinilangan.

Malayo, malayo na ang Lipa
madaling lakbayin sa malawak na kalsada
na dumaraan na ngayon sa kabundukan
ng Malarayat
na noong musmos pa’y
malayo, malayo, malayo . . .
tanging nakakarating lamang ay mga uwak
at sabay-sabay na lumilipad na tagak
sa takip-silim nama’y mga nagsasalimbayang kabag.
Noo’y maliliit pa ang puno ng sintunis
Ngayo’y natabunan na ng palitadang makinis
Hinahanap ko ang lungga ng dagang bulilit
At puno ng bitungol sa unahan ng lumang bahay
na inaakyat ng mga paslit
napawi na rin ang matayog na tahanan
tila binura ng kapalaran
at mistulang iginuhit ng chalk lamang
sa pisara’y kumupas na larawan.

Natabunan na ng bundok
ng mga alikabok ng ala-ala,
wala na tahanan, o ang lumang pisara
tila nawaglit ang apat na dekada

Malayo na ang lumang Lipa
at katulad ng dahong alamat ng ngalan nya
makating-masakit at di makakalimutan
ang mga karanasan at mga aral na dala

Kung wala na ang bigas na kinanda
magtitiis ako sa samyo ng binlid at ipa
Kung wala na ang pinipig at nilupak sa baraka
kahit budbod at lumang latik ay yayamanin na
Lalakbayin ko’y lubhang malayo pa
Ngunit sinisinta
ika’y makakaasa:
     Ang pinanggalingan,
          ang pinagmulan,
               lilingunin tuwina.
Brewed Coffee - 10; 10th in a series of poems mostly focusing on my memories of Lipa, the place of my birth, childhood and teenage years.

— The End —