Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member

Members

Poems

Stum Casia Aug 2015
Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
tatlo ang maglalakad nang napakalayo,
mula pinakamasikip na eskinita sa Valenzuela
hanggang pabrika para makatipid sa tricycle.

Sayang din kasi.

Dalawa siguro sa tatlong yun, babae,
may tig-isang anak na dumedede pa
at hindi pa talaga maiwan pero kailangan nang iwanan
kahit mahigpit ang pagkakakapit sa tuwing paalamanan
dahil mas mahigpit ang pangangailangan.

Sa sampung rin sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung nagbabaon ng kaning tinipid nung hapunan
at ulam para hindi na bumili sa kainan.
Yung isa siguro kakain na lang ng biskwit at tubig.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
siyam yung hindi na magbebreaktime para magmeryenda.
Sayang ang bawat minutong titigil sa paggawa ng tsinelas,
baka hindi umabot sa quota, baka mawalan ng trabaho bukas.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
dalawa lang ang nagpapansinan sa oras ng trabaho-
yung magkaedad at magkatabi.
Sayang ang bawat minutong tatakas ang atensyon
sa ginagawa, baka mareject ang gawa, baka tuluyan nang tumunganga.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung hindi pa nakaranas ng fire drill.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung walang benepisyo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung mababa ang sweldo.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa yung inaasahan ng pamilya.

Sa sampu sigurong manggagawa ng Kentex
labing-isa ang hindi mo kilala
kaya wala kang pakialam
mabigyan man sila o hindi ng hustisya.
Pixel  Sep 2022
Sampu
Pixel Sep 2022
Nagbilang ako mula isa hanggang sampu
Sana sa pagdilat makalimot na ko…

Isa, dalawa, tatlo
Tatlong araw mula nang magkakilala tayo
Hindi batid kung ano ba ang pakay mo
Mga nakakakilig na salitang binibitawan mo
Sabi ko, "Hindi ako magpapauto."

Apat, lima, anim
Naalala ko pa ang araw ng iyong pag-amin
Kaba at hiya bumalot sa iyong damdamin
Tuwa at saya nangibabaw nang ako'y napa-oo
Sabi ko, "Susugal ako kasi alam kong tatayan mo ako."

Pito, walo, siyam
Sa palipas ng panahon tila ika'y nagbago
Biglang lumamig ang iyong pakikitungo
Dumating ang oras ng katotohannang kinakatakutan ko
Sabi mo, "Pasensya kana, kailangan ko lang ng espasyo."

Sampu
Sa lahat ng mga pinangako at sinabi mo
Isa lang ang tapat at naging totoo
Ngunit nagbubulag-bulagan ako
Dahil sabi mo, "Nagsisisi ka dahil ako'y nasaktan mo."

Gaya ng sabi ko
Pagbilang ko nang sampu
Sana makalimot na ako
Ngunit heto pa rin ako
Naniniwala sa mga matamis **** pangako
Kahit alam kong nagsisinungaling ang puso mo
Lyka Adlawan May 2018
Tagu-taguan,
Maliwanag ang buwan
Munti kong tula,
Inyong pakinggan

Ito'y patungkol
Sa kabataan
Na inaakalang
Pag-asa ng bayan

Wala sa likod,
Wala sa harap
Ano ang kabataan
Sa hinaharap?

Handa na ba kayong
Malaman ang totoo?
Pagbilang ng sampu,
Malalaman na ninyo

Isa, dalawa, tatlo
"Tara, pre! Dota tayo!"
Isa, dalawa, tatlo
"Kyah, pa-like ng DP ko"

Isa, dalawa, tatlo
"Naka-hithit na ako"
Isa, dalawa, tatlo
"Tara, shot na tayo"

Mga kabataang nakikiuso
Mga kabataang lulong sa bisyo
Kabataang imbis na ang dala'y libro
Ang palaging hawak ay sigarilyo

Apat, lima, anim
Wala nang ibang alam gawin
Apat, lima, anim
Kung hindi gadgets ay pindutin

Apat, lima, anim
"Babe, walang tao sa'min"
Apat, lima, anim
"Babe, pwede na nating gawin"

Mga kabataang napapariwara
Mga kabataang sa tukso'y nadadala
Kabataang tinuturing na Maria Clara
Na ngayo'y mas kilala na sa Maria Ozawa

Pito, walo, siyam
Nasirang kinabukasan
Pito, walo, siyam
"Aking pinagsisisihan"

Pito, walo, siyam
"Ako'y nanghihinayang"
Pito, walo, siyam
"Ibalik niyo 'ko sa nakaraan"

Totoo nga ang kasabihan
Ang pag-sisisi'y nasa hulihan
Ang ating nakaraan
Ang siyang madidikta ng kinabukasan

Ngunit hindi ko naman nilalahat
Ang nais ko lang, kabataa'y mamulat
Ang buhay natin ay parang aklat
Tayo ang gumagawa ng sarili nating kwento at pamagat

Hindi ko tatapusin ang bilang sa sampu
Dahil hindi ako ang magdidikta ng kinabukasan niyo
Ngunit sa pagtatapos ng munting tula ko
Sana'y makapagsimula kayo ng panibagong kwento

Kwento na kung saan kayo ang bida
Kwento na kung saan kayo ang pag-asa
Salamat sa pakikinig mula umpisa
Ngayon ang tulang ito'y tinatapos ko na