sulat dito, sulat doon, inaalala ang pait ng kahapon. mga gusot na papel sa ibabaw ng mesa, iniiyak ang bigat ng dibdib sa mga letra.
nagpupuno ang mga salitang nagkakagulo, kahit isang mensahe lamang ang nais iparating nito. dudukutin sa isip lahat ng natitirang alaala, hanggang ang lahat ng pag-ibig ko’y mawala na.
hindi pansin ang nangangalay na kamay, pinapagod ang damdaming taglay. sulat nang sulat gamit ang tintang paubos, hanggang sa ang hinagpis ng puso'y matapos.
sa aking pagsulat ng huling salita, at sa huling pagpatak ng aking tinta, iiwan sa papel lahat ng poot at sakit, kakalas sa plumang mahigpit ang pagkapit.