Sa loob ng ilang taong paghabi ng mga tula’y Nagsilbi pala itong aking pahingahan. At sa pagpili kong isantabi nang pansamantala Ang pag-ibig ko sa pluma’t papel Ay unti-unti rin palang gumuho Ang mga pader na naging proteksyon ko Laban sa mga kumunoy ng aking damdamin.
Sabi ng iilan, Gusto nila ng kalayaan — Ngunit naiiba ata ang aking kagustuhan. Pagkat mas ninanais ko pang Punuan nang matataas na pader ang sarili kong bakuran.
Siguro nga, tama sila Na takot akong buksan ang aking pintuan. Siguro nga, ayokong sinu-sino lamang Ang daraan sa aking paningin. At baka sila mismo ang magtirik ng kandila Para sa paghimlay ng aking mga pangarap Na nais ko pang makamit at maibahagi.
Naisip ko biglang — Wala naman palang masama Sa pagtakip natin sa ating mga sarili. Pagkat kung ang sinasabi nilang pagtago Ay palatandaan ng kaduwagan at pagiging makasarili'y Baka araw-araw na rin tayong nagugulantang Sa mga nakahanay na mga kalansay at mga bangkay Sa ating mga pintuang pinangangalagaan.
Ang bawat nilalang Ay may sari-sariling paraan Sa pag-abot ng kani-kanilang pangarap. At ang bawat katauhan di’y May iba’t ibang paksang ipinaglalaban At patuloy na pinaninindigan.
Kung ang mga pader nati’y Hahayaan na lamang nating matibag nang basta-basta’y Tila ba tinalikuran na rin natin ang ating mga sarili. Pagkat ito’y hayagang kataksilan Sa ating mga mga sinusungkit pa lamang Na pangarap na mga bituin.
At kung minsang mapadpad na tayo Sa pampang ng ating paglisan, Ay tayo na rin sana ang kusang maging taya At patuloy na lumaban at manindigan. Para rin ito sa atin, Para sa sariling kaligtasan Laban sa walang pasintabing pagkukutya Ng mga dayuhan sa ating mga balintataw.
Sana'y kusang-loob tayong magsisipagbalikan Kung saan natin naiwan at naisantabi Ang apoy ng ating pag-irog sa ating mga adhikain. At kung pluma’t papel muli ang magsisilbing armas Para sa muli nating pagkabuhay, Ay patuloy rin tayong makikiindak Sa bawat letra’t magpapatangay sa mga ideolohiyang Kusang nagtitilamsikan buhat sa ating mga pagkatao.
At hindi tayo magpapadaig at magpapatalo Sa mga ekstrangherong walang ibang ninais Kundi yurakan ang ating pagtingin sa ating mga sarili’t Sila mismo ang gagapos sa ating mga kamay Upang hindi na muling makapagpahinga Sa piling ng ating mga pluma’t papel.