panahong kay init at samot-saring pangyayari ilalabas ang kwaderno't magsusulat ng hirayang bahaghari iba't ibang mukha, ngingiti't tatawa kunwari
sa galaw, pananalita, at sa pagsulat ng kamay pagkaguho, pagkawasak, at araw-araw na pagsasablay sa mga bagay-bagay na 'di maiakbay salungat sa sinyales na aking hinihintay
biglaang pagkalito, gan'to na ba ang takbo ng mundo? kamay na animo'y tinanggal paang singbikat ng bakal hininga'y laging nasasakal makakawala pa ba sa kasulukuyang estado?
nais nang kumalas, sa hindi nakikitang rehas walang depinisyon, wala ring direksyon hikbing palihim, kalungkutan sa takipsilim naliligaw, nababaliw, sa indak na hindi inaral ngunit nakabisa pa rin