Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dec 2019
#84
Sinungaling ang mga manunulat.
Mapanlinlang ang kanilang mga akda—
Pinaniniwalang maayos lang ang lahat
at walang dapat na ipag-alala,
Nagpapanggap
na tanggap na nila,
Ang mapait na sinapit
ng ugnayan niyong dalawa—
Nagpapanggap
na tanggap na nila,
Dahil magaling silang magpaikot
ng mga salita,
At bihisan ng ibang kahulugan
ang kanilang mga tugma;
Mapanlinlang ang mga manunulat,
Paniniwalain ka nilang tanggap na nila ang lahat,
Na ayos lang kahit hindi sila ang piliin
basta't masaya ka—
Wag kang maniniwala sa kanila!
Sinungaling sila!
Mapagpanggap
ang kanilang mga panulat;
Masaya kahit nasa piling ka ng iba?
Sino ba namang matutuwa
'pag ang bagay na pinapangarap mo
ay hawak ng iba?
Hindi gano'n kabilis magpalaya
ng mga bagay na hindi pa nagiging sa'yo,
Pano mo bibitawan kung hindi pa naman dumarampi sa mga palad mo?
Kaya maniwala ka.
Sinungaling sila.
Hindi nila tanggap na hawak ka ng iba.
Hindi sila mabilis magpalaya.
At wala silang balak na palayain ang pag-ibig.
Kahit nagkakasiya sila sa mga simpleng titig—
Mga patagong ngiti at kilig
Sa t'wing nariyan ka.
Oo! Sinungaling sila.
Pagkat sa likod ng mabulaklak
na isinusulat nilang mga salita,
Nakatago ang pusong humihiling,
"Sana ako nalang siya".
Crissel Famorcan
Written by
Crissel Famorcan  23/F/Pasig City
(23/F/Pasig City)   
Please log in to view and add comments on poems