Hindi Ka lumipas — Naalala ko noong nakaraang taon Ilang araw buhat sa ngayong pagbibilang ko Bago pa sumulyap ang mga pampakulay sa kalangitan Para magtagisan sa pagbungad sa paunang ngayon.
Hindi Ka lumipas — Halos itim na lamang ang kulay sa kalangitan Na para bang ang pag-asa ay kinitil na ng sanlibutan Na para bang ito’y nobelang pawang paghihintay na lamang At nang subukang gapangin ng putik ang pangarap ngunit hindi — Hindi Ka pa rin lumipas At muli **** binigkas na Ikaw ang dahilan ng lahat Na ang lahat ay walang kabuluhan Kung ang Ikaw ay ibabaon sa limot at tatalikuran.
Hindi Ka lumipas — Gaya ng mga butil ng luha sa aking mga mata Na ang pagsusumamo ay tila araw-araw na pag-aakyat ng ligaw Sayo Na maging ang umaga ay tila Simbang Gabi.
Hindi Ka lumipas — Nang dungisan ng mundo ang mensaheng laan Mo Ngunit sabi Mo’y tapos na ang lahat Malambot pa sa bulak ang sumalo sa bawat pagkabagsak Walang katulad ang Iyong mga yakap, At heto ako — mas natutong sumandal sa nag-iisang Ikaw.
———
Hindi Ka lumipas — Ilang beses **** hinayaang masaksihan ko ang pagsagwan nila sa agos Ang paglipad sa ere na tanging Ikaw lamang ang sumalo Na para bang ito na ang huling mga katagang bibitiwan ko — Ayoko na Pero hindi — Pagkat nagkakamali ang dilim sa paghasik ng kanyang sarili Pagkat ang Liwanag ay panghabambuhay At hindi tayo kakapusin sa oras At hindi ito isang “sandali lang.”
Hindi Ka lumipas — At ayokong palipasin ang kahit isang pintig ng sinasabi nilang “sandali lang naman” Pagkat sa oras na ito’y hindi Ka lilipas — At tanging ang pangalan Mo ang mangingibabaw Sa susunod pang hihiranging mga araw Kahit pa sabihin nilang nagbago na ang lahat.
Hindi Ka lilipas — Kahit pa tabunan ng pangungutya ang Iyong kasulatan, Tanging Ikaw ang magiging bukambibig. Kahit pa hindi makakita ang mga bulag Ay ipagdidiinan pa ring Ikaw ang magbubukas ng bawat paningin At walang dilim na kayang sakupin ang Bayan Mo, Ama.
Hindi Ka lilipas — At sa bawat pagtaas ng Bandila Ay Ikaw ang mananatiling may tiyak na katuturan Na ang mensahe Mo’y ipangangalandakan Saanmang dako at sulok ng mga Islang hinati ngunit Iyong ipinag-isa.
Hindi Ka lilipas — Tulad ng mga ulap tuwing ang ulan ay titila Tulad ng tubig tuwing huhupa ang baha Tulad ng ilaw at init ng kandilang inapula.
Hindi Ka lumilipas — Gaya noon, hanggang sa huling hampas ng segundo sa huling pagyukod ng araw. Maghari Ka — Hanggang sa huling pagkurap na kasama Ka.