Hindi minsang naisip ng aking munting ulo na ika'y darating sa aking buhay.
Araw-araw nakikita kita mula sa pagpasok mo sa paaralan, pag-akyat ng hagdan, at paglagay ng bag sa ilalim ng upuan.
Araw-araw ako'y napapaisip, kung ano ba't lagi kang tahimik, laging malamig ang hangin, at laging tulala ka sa papel mo na walang laman kahit sulat man o doodle.
Ano ba?
Kung sa tingin mo ay nagkakagusto ako saiyo ay hindi ka nagkakamali ngunit hindi ka rin tama.
Binibini, ako'y nangangamba kung ano man ang nasa isip mo.
Sa unang tingin pa lang ay makikitang hindi ka pangkaraniwang estudyante.
Ikaw yung tipong hindi magsasalita kahit na nahihirapan, yung tipong hahayaang magpasakal sa taong kaniyang iniibig, yung tipong kagaya ko.
Araw-araw tinatanong ko ang Panginoon at sarili kung ano ba't nakita kita at nakilala?
Hindi ako nagkamali, katulad na katulad mo nga ako.
Katulad mo akong ayaw bumitaw sa patalim ng pag-ibig kahit na paulit-ulit na itong isinaksak sa aking puso.
Katulad mo akong gagawin ang lahat maibalik lang ang nakaraan kahit na matagal na niya akong itinakwil at iniwan.
Katulad mo akong malungkot na nagmamahal araw-araw.
Kaya, binibini, sana'y makaabot sana saiyo ang mumunting mensaheng ito mula sa wasak kong puso:
Mahalin mo man siya o oo, mamahalin pa rin kita araw-araw.