Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Sep 2017
Malakas ang bugso ng hangin
Bunsod ng pangangailangan
Bumubuhos ang ulan ng pananagutan
Daluyong, sunud-sunod ang hagupit

Mabuti pa ang kabuting mamunso
Magkakambal lamang karaniwan kung sumibol
Ngunit anong kalupitan mayroon ang kapalaran?
Di na nga makaahon sa dagat ng kahirapan
Ilulubog na naman ng alon ng kamalasan

Bibilangin bang muli ang galos ng panghihinayang
Tatapalan na lamang muli ang sugat ng puso
Ng dahon ng ikmo ng kapaitan
at binulungan ng orasyon ng sama ng loob
Bigo pa rin sa paghihintay ng kayamanang mailap

Litanya ng kabiguan:
     Pagkawala ng mga ari-arian..........
     Pagka-ilit ng lupa at tahanan..........
     Pagkaulila sa magulang..........
     Pagkasangla ng kinabukasan..........
     Sakuna..........
          Tila mga butil ng rosaryo
          Walang hanggang pagtitiis

Bukas darating ang maniningil – ng hinuhulugang 5-6
Nakasangla pa rin ang ATM sa ‘Lend Bank’ – di na matubos-tubos
Tinawag na lahat ng santo at santang maaaring utangan
Ng panustos na biyaya –
          GSIS Loan, ipanalangin mo po kami
          Provident Fund Loan, kaawaan mo po kami
          Kooperatibang Malapit, maawa ka sa amin
          Bumbay sa palengke, ipag-adya mo po kami
          Kubrador ng huweteng, patayain mo po kami
          Lotto, GrandLotto, MegaLotto, SuperLotto, UltraLotto,  
                  patamain mo po kami
          BIR, patawarin mo po kami
          Presyo ng langis, kahabagan mo po kami

Lahat ng ito’y isinasamo namin
Dahil lahat na yata ng kahirapa’y nasa AMEN.
Jun Lit
Written by
Jun Lit  M/Los Baños, Philippines
(M/Los Baños, Philippines)   
  8.5k
     Isabelle and Demonatachick
Please log in to view and add comments on poems