Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Aug 2017
Ang matinis na tinig ng isang libong nagkakalampagang bakal na maninipis ang tumili mula sa gilid ng 'yong ulunan,
Umaga na naman.
Mauuna ang pagbangon mo mula sa kama kaisa sa pagmulat ng iyong mga mata't pag-gising ng iyong diwang pagal sa 'di maalalang panaginip.
Ang hangin ay umihip--
Mula sa bintanang kumakaway gamit ang mga kurtinang bughaw sa paglisan ng gabi sa pagkamusta ng masalimuot na umaga.

Pumipihit na naman ang oras.

Pinanonood mo ang pagputok ng bawat bulang nabubuo mula sa pag-ugong ng kaldero buhat ng initsigan,
Bagay na 'yong kinaiinggitan.
Ang natatanging paraan para mapainit mo iyong umaga ay ang paglaklak ng kapeng 'sing pait ng pagiisa.
Tapos maliligo ka,
Pipihitin mo ang gripo para bumungad sa'yo ang nagyeyelong tubig na kumikitil sa 'yong kakayanan makaramdam.

Sana kumukulo rin yung tubig.

Pinanonood mo ang pagdating at paglaho ng mga pangitain ng isang 'di makatarungang siyudad ng maralita't dukha.
Paano pa nila nagagawang ngumiti?
Ika'y naririndi sa malalim na pag-ungol ng mga sasakyang minamaneho ng mga diwang humihiyaw sa pagkakakulong,
Sa pagkaubos ng oras.
Sinusulit mo ang ilang saglit na ang tanging suliraning iyong sinusumpa ay ang pagkahuli sa klase't mga responsibilidad.

Pagkakataon na naman ng buwan.

Huminga ka ng malalim bago mo nilapat ang 'yong palad na 'sing gaspang ng gasgas na pinto ng iyong bahay,
At dahan-dahan mo itong tinulak.
Nilanghap mo ang kulob na amoy ng hanging 'di magimbala sa segundong umapak ka sa loob ng yung 'di maturing na tahanan,
Isinara mo ang pintuan.
Kasabay nito ang pagsara mo ng iyong sarili sa buong mundong tanging inaalala lamang ang kanilang mga sarili.

Bumuhos ang iyong mga luha.

Ang iyong katawan ay nanginginig, ang isip ay nangingimbal at ika'y nangingimi sa kawalan ng katotohanan--
Ng 'yong pagkatao.
Maririnig **** umuugong ang iyong bulsa't napagtantong may nangangailangang marinig ang iyong boses,
Tumatawag si Mikoy.
Sa pag-sambit niya ng iyong pangalan ay napawi ang bumubagyong luha't naglaho ang unos ng 'di maintindihang lungkot.

Sa pagkakataong iyon, saka mo lang sinabing nakauwi ka na.
Check out more of my works on: brixartanart.tumblr.com
Brixter Artan Quiel Oliveros
Written by
Brixter Artan Quiel Oliveros  Pasig City
(Pasig City)   
Please log in to view and add comments on poems