Tanong nila bakit daw ako nagpupuyat. Sabi nila masama daw ang magpuyat. Nakakadami daw ng pimple. Magkakasakit ka, at kung ano-ano pa. Pero may tanong din ako sa kanila. Masama pa din ba magpuyat, magkaroon ng madaming pimple at magkasakit kung Ang dahilan naman ng pagpupuyat mo ay para makausap ang taong mahal mo? May mga bagay pala talaga na kahit masama ay nakakabuti din pala sayo minsan.
Lumalalim na ang gabi, lumalalim na din ang koneksyon nating dalawa. Mga bagay na napagkekwentuhan ay dumarami. Mga ngiti na sa aking labi ay dumadampi. Mga lungkot na sa pagpapatawa mo ay napapawi. Mga ilusyon ng nakalipas ay sa akin dumadalaw.
Mga ka-abnormalan mo na nakakahawa. Pinatibok mo pati ang puso kong kawawa. Mga pusa sa labas na ngawa ng ngawa. Mga daga sa aking dibdib na kinikilig at nagwawala. Kasabay ang ating walang humpay na pagtawa.
Mga araw na hindi nakakakain para lang ikaw ay makausap ng matagal. Ngunit pinupuno mo naman ang aking tiyan ng mga paru-paro ng walang angal. Mga senyales na sana ito na ang sagot sa aking mga dasal. Ipupusta na lahat kasama ang aking dangal. Na ikaw at ako ay hanggang kasal.
Hindi ko namalayan na ako'y nahuhulog na pala sayo sa sobrang daldal. Na tanging bukhambibig ko na lamang ay ang mga salitang balbal. Sa sobrang kakaisip sayo habang naglalakad ay muntik pang mahulog sa kanal. Nakakatawa pero wag sana ako masiraan ng bait at dalhin sa mental ospital. Nagmamakaawa at nananampalataya sa nag-iisang banal.
Madaming bagay na magkapareho tayo. Sa pagkain, sa kalokohan, sa musika, sa mga bagay na kinaiinisan. Kahit mismo sa pananalita ay gayang gaya. Tadhana na nga ba ito? Maniniwala na ba ako sa mga kathang-isip na iyong dulot?
Hindi ko alam, hahayaan ko na lamang na ako ang dalhin ng nararamdaman ko kung saan nito ako gustong dalhin. At mas sigurado pa ako sa sigurado na walang ibang pupuntahan kundi palapit Sayo. Sayo na siyang dahilan kung bakit ako nagpupuyat.