Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jul 2016
Naglalakad ako pauwi nang makita kita sa isang tabi.
Umiiyak.
Humahalakhak.
Lumalaklak.
May hawak na bulaklak.
At humihiling sa bawat talulot na pipitasin ay sana hindi ka niya iniwan nang wasak.

Nilapitan kita agad at tinabihan.
Dinamayan ka sa lamig.
Ang mga binti **** sa sobrang tagal nang nakaupo ay namimintig.
Walang salita o tunog na lumabas sa aking bibig.
Kundi ang mga tenga lamang para makinig.
Sa pagkwento mo habang ang boses mo'y nanginginig.

Sabay nating pinanood ang pagbaba ng araw.
Kasama sa paglubog ang galit na umaapaw.
Napatitig ako sayo at napabulong na wag ka sanang matunaw.
At nagtataka na bakit mayroong tao na sayo ay umayaw.
Biglang tumibok ang puso ko ng laktaw-laktaw.
Nagpapasalamat na natanaw kita at ako ay naligaw na parang langaw.

Kinalaunan ay napatahan ka kahit saglit lang.
Napasaya kahit saglit lang.
Nabawasan ang sakit kahit saglit lang.
Nakalimot sa problema kahit saglit lang.
Nakasama ka kahit saglit lang.
At naging parte ng mundo mo kahit saglit lang.

Hinatid ka para ligtas na makauwi at nagtanong ka kung paano makakabawi.
Makita ka lamang ngumiti, ang abala ay mapapawi.
At sana, kung okay ka na talaga.
Kapag natulog ka at ipipikit na ang mga matang namamaga.
Ay malaman mo na ang iyong tunay na halaga.
At matuklasan ang pagmamahal na pang-sayo lamang ng buong buo.
kahel
Written by
kahel
Please log in to view and add comments on poems