Nilawis ng dilim ang mayorya ng mga ilaw sa kalangitan Ang kapanglawan ng mga ulap na nagdaan ay nakakapangilabot Kumikinang ang maliliit na butas sa telang itim na tumatalukbong sa himpapawid At sa bawat minutong nagdadaan may tila bang may naglalaro sa balabal ng karimlan Tila may kutsilyong pumupunit sa alapaap para makasilip ang liwanag Ngunit muling isasara ang tastas na nagawa sa segundong ito'y nagsimulang bumuka
May mga bulalakaw na nagpakita.
Tayong limang nakahilata sa kamang kayumanggi na sinapinan ng damo Agad-agad tumingala sa pag-asang tayo'y makakahiling sa mga nauupos na bato Ang saglit na gumuhit ang bulalakaw ay nag-umapaw tayo sa tuwa Halata ang paniniwala sa pamahiing matutupad ang pangarap kapag humiling ka Sa isa't kalahating segundo na iyon na nagising ang ating mga diwa Ang mga daliri ay nakaturo sa nagdaang hulagway na hindi na maibabalik
Sabay-sabay tayong pumikit.
At sa pagbukas ng mga bintana patungo sa ating mga kaluluwa Ang isa sa atin ay nagreklamo; "Hindi ko nakita!" At sa kanyang pagsamo sa uniberso na magbigay pa ng pagkakataong humiling Paghalakhak at malarong panunukso ang nakuha niya mula sa atin Habang ang mapangilabot na simoy ng hangin ay humaplos sa ating mga katawan At ang katatawanan ay napalitan ng isang tanong walang kasiguraduhan:
"Kailan kaya ulit mangyayari 'to?"
Na tayo ay magkakasama sa isang pagkakataong Walang inaalalang pagsalansang ng mundong hindi tayo Na ang tanging balabal na bumabalot sa ating mga puso ay ang yakap natin sa isa't-isa Na ang kalinawan ng ating mga isip ay nagiging malaya Magpakita lagpas pa sa pagkislap sa gilid ng balintataw ng mata Na kung saan, tayong matatalik na magkaibigan,
Tayo ay masaya.
Sa bawat pilit na pag-alpas natin mula sa bisig ng nakaambang Mapanglaw na kinabukasan, tayo'y palaging magtatagpo dito βHindi ko sinasabing sa plazang ito kung saan ang usok ng sigarilyo ay lumulunod sa baga, Kung saan ang mga punong nakahilera ay nakahubad at dayupay, Kung saan lingid ang ating kagustuhan gawing tirahan ang tinalikdang plaza na itoβ Kung hindi, dito! Sa pagkakataong busilak ang tawanan at totoo ang ating pagkakaibigan
Sa huling pagkakataon tumingala tayo.
Lubusin natin ang pagkakataong kinakalmot ng mga anghel ang kalangitan Magpakasasa tayo sa saglit na pinatotohanan natin ang pamahiin Na kapag humiling ka sa bumabagsak na bituin ito'y magkakatotoo Na inuulok natin ang isa't-isa ipikit ang mga mata sa bawat ilaw na gumuguhit Sa himpapawid na madilim na mamaya ay babalik sa maulap na umaga At sa nagbabadyang pagtatapos ng pag-ulan ng ilaw at muling pagbukas ng ating mga mata