Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
May 2016
051416

Nauuhaw ako
Bitak-bitak ang lalamunan
Sabay lunok, iba ang indak ng tag-init.

Humiling ako
Sa bulsang gula-gulanit
Sa retasong sando
Sabay hanap sa munting kaluping
Singit sa maingay na sapatos.
Siyang nakikipagtagisan ng laway
Sa putik na binubuhusan ng langit.

Muli, nauuhaw ako
Pero sana'y mapawi ito
Ng mahika't eksperimento
Ng itim na likidong kumukulo sa lamig.
Taglamig, taglamig na takipsilim;
Yakap ko ang kapoteng maitim ang tagiliran.

May karatula sa kanto,
Kaya't napasugod ako sa pagkasabik.
Tangan ko pagbalik ang litro.
Magaspang ang mga kamay
Kaya't makapit ang bote sa mga daliri.

May karatula sa ikalawang kanto,
Tatlong kulay, pero hindi matukoy
Gabi'y makasarili, walang nais na kahati.
Ulap ay hinawi, kabiyak ang buwan at bituin.

Isang bloke ng yelo,
Yelong pinira-piraso
Binasag sa sementong kwadrado
Pahaba't may mga bumbilyang mamatay din.
Isang ihip lang ng hangin, lagas ang liwanag.

Isang basong walang laman,
Walang bahid ng pagsabon
Buhat sa mga nakasalansang na pagkatao,
Iba't iba ang pwesto,
May kanya-kanyang tambayan.
Tuluyan silang naging tambay na lamang.

Nauuhaw ako pero hindi ito napawi,
Mga kalapating pumapagaspas sa himpapawid,
Senyas pala ng paglisan.
Musikang hele patungong langit,
Pagtulog ko'y pahimbing nang pahimbing.

Nauuhaw ako, nauuhaw na naman ako
Pero pauwi na ako sa Tahanan,
Doon na makaiinom, magpapahinga na ako.
Paalam.
(Madalas, pag gabi, naghahanap talaga ako ng Coke kasi iba pag gumuguhit sa lalamunan. Trial tong tula na to, dapat kasi about sa pagkauhaw lang sa coke but while writing this, I just saw a story of a beggar na gustong makatikim ng softdrinks. Yes, medyo tragic kasi he ended up dead but death was a new beginning for him. Also, I salute those people who tries their best to pursue in life, but let's all be reminded na minsan, we seek too much, Sometimes, we crave for something coz we wanna try it. Yung kaya nating ibigay ang lahat for that certain thing but at the end, we may found something else and sometimes, it's worse or worst. Be careful lang. Saka, sa mga katulad ko, hinay-hinay sa softdrinks, Wag na hintaying magka-UTI ka. God bless at alagaan ang sarili!)
The Poetic Architect
Written by
The Poetic Architect  F/PPC Palawan, Philippines
(F/PPC Palawan, Philippines)   
Please log in to view and add comments on poems