Naalala ko noong tayong dalawa pa. Ikaw at ako ay laging magkasama. Magkahawak ang kamay at hindi nag-iisa. Walang makakapaghiwalay dahil tayo ay iisa.
Kahit munting kubo lamang ang ating tahanan, Puno naman ng pagmamahalan ang buong kabahayan. Walang pag-iimbot, walang pinagdududahan. Pagka't nasa gitna ang Diyos sa ating puso at isipan.
Aliw na aliw kang ako'y pagsilbihan, tinalikuran ang karangyaan, Sumama sa akin sa kabukiran, at pinagsaluhan ang matamis na pag-iibigan. Payapang namuhay malayo sa mapanghusgang mata at mapang-aping bayan. Nagbungkal, nagtanim, nag-araro at nagdilig sa lupa upang gawing ating sakahan.
Ngunit malupit ang tadhana at tayo ay pinaghiwalay. Ninakaw ang ating kabuhayan at ika'y nilapastanganan, Ng mga hayok sa laman, pinagpiyestahan ang iyong katawan, Hanggang sa dugo mo'y dumaloy sa tigang na lupa at ako'y iniwan.