sa may dagliang liko abot ng aking ligaw na sulyap ang sabungan. matatas ang kanyang ngalan.
"Cockfighter's Rendezvous" kaunting lakad lamang pabalikwas sa MERALCO kung saan isang mahabang karagatan ng tao ang pilit na inaalon ng bayarin, kaltas sa sahod, bulag sa paroroonan.
ayon sa mga akda ay mayroong Kristo sa sabungan. siya ang nangangasiwa sa aliwan ng mga drayber. ang matalas na tari ng kanilang hagikgikan ay lumulubog sa haba ng pantimpalak
naroon daw si Kristo habang ang dagundong ng batingaw ay tulog sa tore. pitikan ng pitikan ng yosi kung saan na lamang maisipan ng pagod na kamay na may samyo ng dala nitong lansa, at matapos ay papasok ng muli sa simbahan kung saan kasabay ng pag-danak ng dugo ang pag-kubra ng nag-wagi.
hawak ni Kristo ang patay na manok, nasusulat sa tari ang linya ng dugo. alam ko naroon si Kristo.
hawak ni Kristo ang mga baryang kumakalansing. ilang pirasong pag-asa para sa pawisang drayber, para sa parokyanong lasinggero, para sa baguhan sa aliwan, para sa llamado.
hawak ni Kristo ang lahat, at siya ang panuto sa pagsusulit ng ganid.
pauwi na ako. wala na ang alingawngaw ng sigawan. Lunes nanaman at ramdam ng lahat ang bigat ng parating na mga araw.