Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
27.1k · Oct 2019
panloob na kapayapaan
Brian Sy Oct 2019
mga tao sa kasalukuyan
mga dayukdok sa kapayapaan
pagkat bitbit sa kung saan ang paroroonan
hatid na bigat ng ating kapaligiran

oo, patuloy ang progreso
nating mga tao
taon-taon may mga bagong
mapangusad na mga plano
unti-unting nasasagot
mga sigaw ng pagbabago

...kahit papano
kahit gaano
ito katagal
lahat ng baraha
para dito'y handang isugal
pagkat lahat ng mga
dumadaan na pagsusulit
ang bawat paglagpas at wakas
nama'y lubos ito na sulit

sa ginagalawang mundo na abala
sa munting paglabas,
di na maiwasan ang pagalala
bawat pilak parehong pang-hulma
at resulta para sa mga gyera
marami namang mas makahulugan pa
upang igasta bilyon-bilyon na mga pera

panloob na kapayapaan
sa paghanap nito'y
isang paghahanap sa karagatan
lumulutang lamang ay katanungan
kung ito'y katotohanan
o isang kasinungalingan

makakamit ba hangga't may natatapakan
o madadama lamang ba
pag tanaw mo na tanaw ng kalangitan
o habang sa paglalakbay ba matututunan kung papano hulihin ang nasusulyap panandalian

sumisikip, napupuno mga kulungan
sumasagitsit ang mga bulong-bulungan
kaysa sa tulungan, pinagtutulong-tulungan
humihinga pa aking paniniwala
sating patutunguhan, wala pa tayo sa kalahati
sa nagmamasid sa itaas, aking tiwala
pagkat hindi pa ito ating wakas

patuloy mabubuhay ang pagasa
hangga't may nabubuhay na umaasa
simulan sa sarili, wag sa iba i-asa
pagmamahal sa sarili't sa iba'y ipasa

di kahinaan ang pagtakas
minsa'y kinakailangan
din nating maghilom, kumalas
sa mapangwasak na mundo,
patunayang ika'y mas malakas
hindi upang ipakita'y pagkamanhid
kundi magkaroon ng sapat na lakas
upang kayanin pang hatakin
sarili't ibang tao pataas

— The End —