Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
 
dalampasigan08 Jun 2015
Maraming beses nang ako'y naging alipin
ng damdaming masidhi't napakahirap supilin;
Mga aliw ng sandaling tila salamisim,
mga sugat ng kahapong wari'y basag na salamin.
Kahit anong gawi'y hindi siya maikubli,
'pag yumakap sa puso'y parang nakatali;
Pumiglas-piglas ka ma'y wala ring magagawa,
Pagka't puso'y gapos na sa pag-ibig na dala.
Ang taglay na karikta'y sadyang mapang-akit,
Ikaw ma'y nakapikit larawan niya'y nakaukit;
At mistula iisa ang 'yong mundo't sinisinta,
Kaya't bulag sa biyaya 'pag nawala na siya.
Oh, linlang na pag-ibig bakit ba mandaraya?
Ang mahina kong puso'y hindi na pinalaya;
Sa ligaw **** pangako ng pag-ibig na totoo,
Kaylan ba matatanto ang wagas na pagsuyo?
01-25-11
1:08 PM
dalampasigan08 Jun 2015
Sabihin mo sa akin - saan ako nagkulang?
Sa bawat oras ba na sa'yo lang inilaan?
Sa bawat ngiti bang ikaw lang ang dahilan?
O sa bawat sandaling hindi ka nahagkan?

Sabihin mo sa akin ang aking kasalanan.
Mali ba ang mangarap na tayong dal'wa lamang?
Mali ba ang umibig at ika'y ipaglaban?
Mali rin ba'ng lumuha nang ikaw ay lumisan?

Sabihin mo sa akin - bakit ako'y nasasaktan?
Bakit ang puso ko ay iyong sinugatan?
Sa bawat ala-ala ng ating nakaraan,
Bakit kabiguan yaring aking nakamtan?

Sabihin mo sa akin kung paano malimutan?
Kung sa bawat pikit ko'y naroon ang 'yong larawan?
At hanggang sa ngayo'y ito ang aking katanungan,
Bakit 'di ko masabi ang katagang "Paalam?"
01-17-11
9:53 AM

— The End —