Nilikha man akong walang mga mata,
Mayroon naman akong maibubuga.
Nariyan ang aking dalawang tainga,
Nakikinig sa bawat matatabil niyong dila.
May dila rin akong nakakapagsalita,
At bukambibig sa isipan ang inyong pag-aalipusta.
Ano ngayon kung wala akong mata?
Ano ngayon kung hindi ko kayo nakikita?
Ano ngayon kung paningin ko ay nawala?
Nabawasan ba ang pagmamahal ko sa Diyos na Dakila?
Naging suwail ba akong anak katulad ng iba?
O nagrebelde dahil sa wala akong kwenta?
Nawalan man ako ng ilaw sa aking katawan,
Madilim man ang landas na aking dinaraanan,
Masaya naman ako sa loob ng aming tahanan.
Sina Ama at Ina'y lagi akong ginagabayan.
Inaruga, minahal, at hindi pinabayaan.
Laging pinapaalalang, ako'y biyaya sa kanilang kanlungan.