Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
Mayroon akong gustong ibahagi sainyo
Isinulat ko lamang ito para sa mga interesado
Meron na kasi akong napupusuang isang tao
Pero teka lang, atin-atin lamang to
Di ko alam kung paano sisimulan
Pero alam kong gustong-gusto nyo ng malaman
Kung sino nga ba ang aking naiibigan
Kaya't heto na, inyo ng matutuklasan

Sya'y isang mananayaw
Napaka astig ng kanyang mga galaw
At talagang siya'y mahusay
Habang pinapanood ang kanyang pagganap, ako'y napapa WAW!
Ako'y lalo pang humanga
Nung nalaman kong sya'y manlalaro din pala
Pero hindi ng feelings ah!
Yung larong ang gamit ay shuttlecock at raketa

Marami-rami na din akong alam tungkol sa kanya
Syempre! Lagi akong updated sa kwento ng buhay nya
Ayokong nahuhuli sa balita, hindi naman sa pagiging chismosa
Kase baka mamaya di natin alam may jowa na pala, edi nganga!

Natutuwa lang ako dahil close na kami ngayon
Di ko akalain na magkakaganon
Kasi dati pinapangarap ko lang yon
Masaya na din, pero di na ako naghahangad ng higit pa roon

Marami na pala syang naka fling
Kaya ako naman noon, umaasa at nag fi-feeling
Nagbabaka sakaling mapapansin nya rin
Ang ganda kong walang kadating-dating
Lungkot lang dahil di nya pansin
Na ako sa kanya'y may pagtingin
Hindi ko alam kung kailangan pa bang aminin
O kaya'y akin na lamang ililihim
Pagkat tungkol dyan ay di ko kayang tapatin
Martir na kung martir, tatahimik na lamang at titiisin

Pero maiba tayo
Sa mga oras na to,
Di ko alam kung lalabas pa ba ako ng kwarto
O magkukulong na lang dito
At saka bubuksan ang pinto pag wala ng tao
Malamang nabasa na to ng mga magulang ko
Kaya't ihahanda ko na ang sarili ko
Pagkat mamaya pag nakita nila ako,
Sasalo ako ng gabot, hampas, palo
Hanggang dito na lang,
Damay-damay na to!
Iniaalay para kay Kuyang mananayaw
kingjay Oct 2019
Dinggin ninyo
Ang pag-ibig ay mapanibughuin
Ayaw may kahati
Ni ayaw magpasaling

Ang pinangakuang kamay lang ang dapat tumangan
Kapag may ibang humawak
Ay mangyayari ang tunggalian

Ito'y maramot - di mapagbigay
Sa tulaling kabiyak niyang laging nakaugnay
At ang takbo ng oras sa kanila ay mabagal

Nararamdaman ng bulag
Nauunawaan ng pipi
Umaalingawngaw sa tenga ng bingi
Walang kapansanan
Walang dahilan sa hindi pagganap

Ngunit nang minsan natanaw
Na may ibang kalaguyo
Nagunaw ang mundo
Dahil lubos ang tampo
kingjay Dec 2018
Lulan ng balangay ang pumpon ng bulaklak
Ibibigay sa kanya
Sadyang dinamihan para hindi kaya tumangan ang lahat
Lohika ng pag-iirog ay malayo sa ekwasyon

Maaliwalas ang alapaap
Minsan ay mapupuna na nababalisa sa ibaba
Ito'y taytay sa mahiang dako
at sa malungkot na pandanggo

Sinaunang tradisyon ng itong bayan
Ang alay ay dote at paninilbihan
Upang ipakita ang sinseridad
Kahit di man paakyatin ng hagdan,
magnilay-nilay sana sa durungawan

Ang pagsinta ay naiiba
Sa karurukan ng adhika ay yari
Ang nanunuksong salamangka para sa tataw ay iwawaksi
Di kayang magdesisyon sa tudlaan ng palaso

Ruta na mula Silangan pakanluran
Napapagod na ang loro
Lumubog na ang balintataw
dahil sa pinalaya ang pag-ibig
Naging manhid sa aktwal na  dula
Ang pagganap ay isang pagpapahirap

— The End —