Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
JOJO C PINCA Nov 2017
“Yesterday is gone. Tomorrow has not yet come. We have only today. Let us begin.”
― Mother Teresa

May mga panahon sa buhay ko na nasayang, may mga darating pa siguro pero baka hindi ko na maabutan, tanging ang ngayon ang tangan ko sa aking palad. Sisiguraduhin ko na hindi ito masasayang. Gagamitin ko at pagyayamanin ang ngayon ko sapagkat ito lang ang oras na hawak ko. Magsusulat ako ng mga salitang matulain kahit hindi nila ito tanggapin. Kahit ako lang ang tunay na aangkin sa aking simulain. Kahit malalim ang dagat na aking lulusungin kapos man ang bait ito’y aking gagamitin at titimbulanin.

Walang yumayaman sa pagsusulat ng tula at ang buhay ng isang makata sa panukat ng lipunan ay laging salat. Pero wala na akong magagawa napasubo na ako, matagal ko na itong nilimot at tinalikuran subalit para itong isang sumpang anino na laging nakasunod ayaw akong tantanan. Mabuti pa ang nag-uulat sa radyo at telebisyon dahil may nakikinig pero sa sumusulat ng tula bihira lang ang lumilingap. Putang-Ina bakit ba kasi ito pa ang nakahiligan ko?

Siguro dahil dito ako sumasaya, kasi nagagawa kong bigyang tinig ang tahimik kong isipan. Bakit kasi hindi na lang ako naging payak sa lahat ng bagay lalo na sa gawaing pag-iisip? Bakit kasi masyado akong mapagmasid, mausisa at malikhain sa pagsasalarawan ng mga bagay-bagay? Bakit ayaw magpahinga ng aking diwa?

Hindi naman ako magaling sa tugmaan at sa pagkatha ng mga kinakailangang sukat kaya kinalimutan ko na ito. Pero may ulol na bumulong sa akin “ok lang yan may free verse naman e kung hindi mo kaya ipahayag sa tugmaan gamitin mo ang malayang taludturan”. Kaya ito nanaginip na naman ako ng gising at tinatawag ang sarili ko na isang “makabagong makata”. Putang Ina makatang walang pera at laging nangungutang. Buti man lang sana kung makukuha ko kahit ang kalahati ng tagumpay nina Walt Whitman, Amado V. Hernandez, Jose Corazon De Jesus at Francisco Balagtas o kahit na si Emilio Mar Antonio na lang – e tiyak na hindi naman.    

Kanina pa tumatakatak ang tiklado ng aking computer, ayaw ko nang magsulat pero may demonyo na tumutulak sa akin para gawin ito. Ayaw akong patahimikan ng putang-ina. Kaya’t heto ako at nagpupursige parin. Ang makabagong makata ay hindi na muling tatalikod sa tawag ng tulaan. Kahit walang pera magpapatuloy ako kasi dito ako masaya, masaya pero malungkot din. Ewan, madalas hindi ko maintindihan. Hindi ko na muling sasayangin ang natitirang oras ko.
Rey Tidalgo Jul 2016
Bakit sinta ako’y / sawi, bigong-bigo
Sa pagsintang lanta, / tuyo’t walang kibo?
Ang ‘yong mga titig / ay titig ng bungong
Patay at may dalang / sumpang mapagtampo …

Bakit nga ba sa’yong / mga gawang mali
At sa paglililong / hindi ko hiningi
Ay dagling nawala / ang dati kong ngiti?
Kaya’t sawing puso’y / hilam sa pighati …

Bakit din binalot / ng lumbay at sama
Ang pusong umibig / sa mula pa’t mula?
Dahilan sa iyong / kasalanang gawa
Naglaho ang tamis, / namatay, nawala …
kingjay Apr 2019
Sa tag-init ay nagdidikdik ng asin
Sa tag-ulan ay kakainin ang bunga ng pananim
Ano ito ang nakatagong sakit
na ipinunla ng mga luha

Dahil sa hindi masabi sabi
ang sinta
kaya ba na muntik na gawin ang pangkukulam kay Dessa
Kasalanan na kaagad may parusa
Lumalalim na ang tampo sa kanya

Pagsuyo na pinag iingat-ingatan
ay punyal na nakatarak sa puso't isipan
Mas mabuti kung nakakalimutan
Ngunit sumpang ala-ala na bumabalik hindi nagtatahan

At kapag lasing na ay nagiging madaldal
Mahangin ang wika, sa kataas - taasan ay umaapaw
Kung mananahimik ay parang nakakulong sa bahagi ng mundo

Sa prusisyon ay hindi maglalakad
Ang luhang dumausdos sa pisngi ay wala ng makababakas pa
kahit patak man ng natutunaw na kandila
Vincent Liberato Mar 2018
Ang mutya ng kaarawan
Sana'y muling masulyapan
Tinig mo'y may dalang katotohanan
Sana'y labis kong mapakinggan

Hiling na sana'y magkausapan
Ang araw na 'yun ay 'di makalimutan
Taimtim na umaasang magkakitaan,
Upang ika'y pasalamatan

Pagca't ako'y muling nabuhayan
Nagapi ang nanlulumong kamatayan
Sa loob ng masidhing kalooban
Ikaw ang nagdala ng matinding kagalakan

May isang sumpang wagas
Kahit na ang araw ay mag wakas
Sa puso ko'y ikaw ang binibigkas
Tuwing ako'y naghihintay sa labas.
041921

Gusto ko nang gumaling —
Paulit-ulit kong sinasabi sa utak ko
Paulit-ulit kong panalangin.
Pero naisip ko rin,
Kaya ko bang gumaling nang walang gamot?

Sa paghihintay kong hindi nakapila,
Sa paghihintay ko sa oras kong itinakda —
Sa oras ko nang pagsalang..
Gusto ko naman sanang
“Magaling na ako
Bago ako mag-undergo ng test.”

Naisip ko, sa ganitong estado pala’y
Gaya pala ito ng paghihintay
Sa pagbabalik ni Hesus..
Na ang nais ko lamang
Ay matagpuan Nya akong “magaling na”
Sa anumang sakit at sumpang dumapo sa akin.

Sa bawat pagsikat ng araw
At sa bawat pagsipat ko sa bagong buhay,
Ang tanging lunas pa rin
Ay ang presensya Nya..
Walang ibang kasagutan
Sa paghilom ng aking pagkatao
Kundi Sya’t Sya pa rin naman talaga.

Hindi ko naman pwedeng madalian
Ang oras ko tapos hindi pala ako handa
Hindi pala ako naghahanda
Sa pagbabalik Nya.
Yung wala pala akong ginagawa
Habang naghihintay ako sa pagdating Nya.

Isinasariwa ko kung ano ba dapat
Ang laman ng puso ko.
Dapat kasi hindi ako maligaw ng landas
Lahat kasi ng “dapat” maggawa ko..
Pero hindi eh..
Gusto lang ng Panginoon
Na maging totoo ako sa sarili ko,
Maging totoo ako sa Kanya..
Hindi ko kailangang itago
Yung mga kamalian ko sa buhay,
Walang pagpapanggap.
Stephanie Sep 2020
kung wari mo sanang kumalag
sa mga pangakong itinadhanang matibag
wag mo sanang limutin itong sinag
ng pag-ibig na nagbalik ng liwanag

nawa'y hindi pagsisisi ang kapalit
ng mga ngiting unti unting nawawaglit
bumuo ka ng isang sining na marikit
mula sa mga piraso kong lupaypay at gulanit

ngunit hindi ako isang malaking pasanin para sa iyo
hindi ako isang sumpang magdadala ng pagguho
hindi maaari, hindi ito ang nararapat sa iyo
maalaala mo sanang pag-ibig din ang paglayo


hindi ako nakakulong, ako ang tanikala
patawad, sinta, piliin mo ang lumaya
Alam kong minsan ay nabagabag ka
Nang ako sa iyo’y umalipusta
Isipin mo na sindaya ko nga
Iyon ay dahil ako’y makasarili sa tuwina

Walang gabi na hindi ko ipinagdarasal sa Diyos
Na ang sumpang ito ay sana matapos
Gusto ko na tayo’y malinaw na makapag-ayos
At mapatawad mo na nang lubos.

-03/30/2012
(Dumarao)
*Walong Maiikling Tula ng Kahapon, Ngayon at Bukas
My Poem No. 111
owt 1d
"Maskarang Walang Mukha"
(Anino ng Gyera)

Namuong peklat ng kasaysayan
Ang bakas ay nanuot sa puso’t isipan.

TATSULOK na kalaban —
Walang korona, ngunit makapangyarihan.
Walang trono, ngunit hari-harian.
Walang kawal ngunit lahat tau-tauhan.


Timbangin ang yaman:
may bakal na paninindigan.
mabigat na hidwaan,
Umiikot na katiwalian.

Tinatali.
Sinisindak.
Hinahati.
Nililinlang.

At ang takot ay anyong nananahan.
habang ang mga sugat ay naghihintay
madampian
Ng panatang nag-aapoy —
ngunit ang dulot lang ay usok at panaghoy.

Habang tayo’y nagsisisihan,
Sila nama’y nagngingisihan.

Ang “walang mukha”
Di mailarawan,
Nagtatago
Sa likod ng
MASKARA
Na ating kinamulatan.

Sinabit na MASKARA —
Karangalan — may dungis at mantsa.
Katotohanan — may luha.
Kalayaan — ngunit paralisa.
Katarungan ba o tanikala —

Para saan ba ang bomba at bala?
Sandata ba o  sumpang ipapamana?

Kamatayang —
Hukay ang iniiwan.
At ang kahirapan ay libingan.

Kapayapaang  —
Umaalingawngaw
Sa umuugong na katahimikan.

At ang lipunan?
na isantabi...
Nalipon ng sakit,
At kasinungalingang
Nakakabingi.

~At kung patuloy natin susuotin...
MUKHAng — tayong lahat rin...
ang biktima, at salarin.


----------------------------------------------


"Bulo­ng ng Dahon"
(Himig ng Kalikasan)


Sa mundong puno ng
kulang,
sapat,
at sobra —

tayo raw ay mga dahon.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.
N­awawala.

Ngunit sa ating pagkawala,
doon raw tunay
na matatagpuan ang sarili.

Sapagkat sa bawat pagkalagas,
ay simula ng panibagong pag-ugat.

At kung ako nga ay isang dahon,
siguro ako 'yung uri ng dahon na...

hindi basta bumibitaw, kahit taglagas.
Sumasayaw pa rin sa hangin, kahit lumakas.

Sinasalo ang patak ng ulan.
At sa araw —
nakikipagtitigan.

Ako’y lilim rin
sa liwanag ng buwan.

Aninong masisilungan
kapag kailangan.

Ngunit marahang kumakawala,
pag ang baha'y rumaragasa —

upang magpatangay sa agos,
habang nakalutang sa hangin.

Minsan lunod sa alon,
ngunit 'di salungat
sa lalim.

Ako’y dahon
na may sariling landas —
kahit malihis,
o maligaw
sa tatahakin.

Ikaw ba?

Anong klaseng dahon ka
sa panahon mo?

‘Yung madaling kumawala?
O 'yung pilit na kumakapit?

‘Yung natatangay?
O 'yung naglalakbay?

Basta ako —

ako ang kapirasong dahong ligaw.
Karugtong ng bawat hibla ng ugat.
Tinatahi ang tagpi-tagping mga balat.

Sumisibol.
Lumalago.
Nalalanta.

Kumakalas.
Tinatangay.

­At
nagtataka:

Na kung tayo’y mga dahon
sa iisang puno —

maaari kayang malaman
kung sino ang ugat,
at ano ang bunga
ng ating pagtubo?

Pero...

kailangan ba talagang
hukayin ang lalim ng ugat?

O mas karapat-dapat
na magpalago na lang sa sanga,
bago pa tuluyang matuyo
ang mga tangkay?

Kasi baka ang tunay na saysay —

hindi lang nasusukat
sa bunga,
o pakay —

kundi nasa halaga rin
ng ating paglalakbay
at
pagkabuhay.

...{𝒷𝓊𝓁𝑜𝓃𝑔 𝓃𝑔 𝒹𝒶𝒽𝑜𝓃,
at ng damdaming
hindi mapa-amin —
sapagkat palaging
hinihipan ng hangin...}

At marahil,
ang tugon sa lahat ng tanong —

ay hindi sa paghahanap,
kundi
sa pananahimik.

Kasama ng agos.
Ang ihip.
At ang malumanay na huni
ng mga ibon sa paligid.


Bulong na dinig —
kailangan lang
pakinggan muli.


---------------------------------------


"UGAT"
(katatag­an at katapatan)

Kung ikaw ay dahon
na dinadala ng hangin,
ako marahil —
ang ugat na nanatiling tahimik,
nakabaon sa lupa,
nakikinig sa bawat yapak
ng panahong lumilipas.

Ako ang himig
na hindi umaalingawngaw —
ngunit nananatili
sa kailalim-laliman ng alaala.

Habang ikaw ay sumasayaw
sa sayaw ng taglagas,
ako'y nananatiling
yakap ang lamig ng tag-ulan.

Tahimik kong pinipigilan
ang bawat pagbagsak mo —
nang hindi mo namamalayan.

Hindi ako tanong.
Isa akong sagot
na matagal nang naroon
bago pa maitanong —
kung sino ang nagtanim,
at ano ang bunga.

Sapagkat kung ang dahon ay dumarapo,
at muling nawawala —
ako naman ang di-makita,
pero palaging naroroon:

sa bawat pagsibol,
sa bawat pagkalagas,
at sa pagitan ng mga saglit
na walang makapagsalita.

Hindi ako lilim —
ako ang dilim na may silbi.
at liwanag na hindi makukubli
Hindi ako aninong masisilungan —
ako ang silong
ng mga alaalang hindi pa binibigkas.

At kung ikaw ay nagtataka
kung kailan dapat hukayin ang lalim —
ako ang lalim na iyon.
Hindi para mabungkal,
kundi para maramdamang
may pinanghahawakan ka pa rin.

Kaya bago ka tuluyang tangayin,
alalahanin mo:

ang bawat dahon —
kahit ligaw —
ay minsang nanggaling sa sanga,
na ikinabit ng pag-ibig
ng isang ugat
na tahimik lang,
pero totoo ang kapit.


𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝖽𝖺𝗁𝗂𝗅𝖺𝗇 𝖻𝖺𝗄𝗂𝗍 𝗆𝖺𝗒 𝖻𝗎𝗅𝗈𝗇𝗀 —
𝖠𝗄𝗈 𝖺𝗇𝗀 𝗉𝗂𝗇𝖺𝗇𝗀𝗀𝖺𝗀𝖺𝗅𝗂𝗇𝗀𝖺𝗇 𝗇𝗀 𝗍𝗂𝗇𝗂𝗀.

— The End —