Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Kael Carlos Aug 2017
Mga kamag-aral, kaibigan, mga ****,
Kayo’y mahalaga sa akin bagama’t di tayo magkadugo,
Ako’y narito sa inyong harapan
Sumasagisag ng buong puso,
Ako ang makatang ‘Di ka uri ng masa  
Ang kalawakan ng pag-iisip ay ‘di mailathala

Ako ang nag-anyong taong resulta
Sa pagsibol ng kwento ni malakas at ni maganda
Hindi ko na kailangang humiling
Sapat na ang aking angking galing
Mula sa Diyos Ama aking aaminin
Upang bigyang pansin
Ang kultura na sariling atin
Kultura na di Dapat limutin kundi lubusang mahalin

Ako ay nandito upang sa inyo’y paalalahanin
Ako’y alagad ng sining
Aking man sumpain
Sigurado’y di kayo mabibitin
At pangako’y di bibiguin
Sa harapan niyo’y aking ihahain
Mga Obra Maesta
Nang kinikilalang sining at literatura

Kaya’t tara na, tara na
Tayo na at lumarga
Tungo sa kaunlaran ng wika
Tungo sa wikang Filipino
Ang wikang mapagbago
Ika-apat na Lakan
JOJO C PINCA Nov 2017
Paalam bayan kong sinilangan,
sintang katagalugan, lupain na sinakop
ng mga puting dayuhan; inalipin at binusabos
ng higit sa tatlong-daan na taon.

Kung hindi sana ako nakagapos
ay nasa larangan ako ngayon,
nakikipaglaban para sa iyong kalayaan;
subalit ako ay binihag ng mga taksil na kalahi,
kayumanggi ang kulay ng kanilang balat
subalit ugaling Kastila sila.

Alam ko na ito na ang aking wakas
dadalhin nila ako at si Procopio sa dako na di namin alam;
tanging diyos lang ang nakababatid sa aming sasapitin.
Sa punglo kaya o sa talim ng tabak kaming magkapatid ay masasawi?

Nalulumbay ako hindi dahil sa ako'y mauutas
kundi sa pag-aakala na masasawi ako sa kamay ng aking kalahi.
Kung dayuhan man lang sana ang sa akin ay papaslang mas matatanggap ko ito nang maluwag sa dibdib.

Paalam mahal kong Oryang,
Lakambini ng Katipunan,
ina ng aking anak at kabiyak ng aking dibdib.
Naiiyak ako sapagkat malungkot ang naging wakas ng ating pagsinta.

Kung magtagumpay ang himagsikan
at makamtan na ang layang inaasam
wag sana makalimutan ang mga nabuwal sa parang ng digma.

Kainin nawa ng lupa ang mga taksil sa bayan,
lunurin ng baha ang mga nakipagtulungan sa kaaway,
tamaan ng kidlat ang mga tampalasan na umibig sa dayuhan na mapang-alipin. Sumpain sila ng langit.

Nakapiring ang aking mga mata subalit nararamdaman ko na malapit na kami sa dako kong saan babasahin sa amin ni Komandante Lazaro Makapagal ang hatol ng konseho ng digma.

Payapa ang aking kalooban, walang pangamba.
Alam ko na ginawa ko ang nararapat, kailanman hindi ako nagtaksil gaya ng kanilang ipinaparatang.
Mabuhay ang Pilipinas, Mabuhay ang Rebolusyon.
kingjay Dec 2018
Ipipinta sa sahig ang mga  rosas at hihigaan upang malaman ang pakiramdam na maihagis sa kaniyang dibdib
Sa matamis na ngiti na nang-aakit
Lahat kayang ibigay kahit na higit pa kaysa pag-ibig
Para maipabatid ang katindihan

Ang pagsasanib ng di katanggap-tanggap na uri ay wala na makapag-aalis
Dininig ang pakiusap
Katawan ay instrumento
Tinubuan ng sungay gaya ng kambing

Kinain ang liwanag ng araw upang makipaghasik ng lagim
Ito'y sariling imahinasyon
Gaya ng nalalapit na paggunaw ng mundo sa tuwing may eklipse

Haharanahan nang dumungaw at mahinhin na hilain ang kurtina
Kung maririnig ang boses niyang malambing
Makukumpleto ba ang araw at habang-buhay alalahanin?
Nanakawin ang sandali sa palatakdaan ng oras?

Sumpain na lang, sapagkat pinairal ang kapusukan
Paulit-ulit na dinarasal hanggang sumigaw
Kung hindi ibibigay ay tatalikod
Makipagsanduguan sa pulang hari

Binigo ng sentro ng daigdig
kaya ayaw na maglala ng susunod na panahon
Sa hungkag na kalawakan
Nabubulok ang katuturan
Ang malumanay na  pananalita ay nagmamaliw

— The End —