Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
061017

Hindi pa kita kayang harapin
Na sa bawat pagkakataong nariyan ka na'y
Pilit pa rin akong lilihis ng landas
Habang kinakalma ang sarili ng mga salitang:
"Wala kang nakita.
Ayos ka lang."

Sa ilang beses kong pagpapalipas ng oras
Sa paglimot sa pagbungad ng kahapon sa ngayon,
Ginapi ako ng pasa sa buo kong pagkatao.
Namanhid ang puso,
Kakaiba ang hiwaga pagkat nabuhay pa rin ako.

Nang sa kahit isang saglit man lang
Ay nanatili pa rin akong pipi ngunit hindi bingi
Na parang nalimot ko na kung paano bang magsalita
Ngunit ako'y inugatan na
Sa paghihintay sa sagot na sayo lamang hinihingi.

Na para bang noon,
Ang lahat ay may bayad.
Parang lahat ay bawal,
Kaya nagnakaw ako ng tingin sayo.
Oo, hindi lang isang beses
O dalawa, tatlo, apat, lima,
Anim, pito, walo, siyam at sampu.
Naubos na ang pagbilang ko sa bawat sandali,
Na inabot sa iilang taon --
Hindi ka pa rin bumabalik.

Doon ko kusang naintindihang:
Kalakip ng bawat pagnakaw ng panahon
Ay ang bawat bitak sa pusong noo'y wala pang lamat.
Napuno ito ng alikabok sa hindi ko pagsisiyasat
Kung may buhay at pag-asa pa bang mabuo
ang larawan ng tayo.

Na sa bawat pagpunit ko ng bawat larawan sa aking isipa'y
Paulit-ulit lamang akong nakakatikim ng pagkatalo.
At sa huli, ako rin pala ang darampot sa mga ito
At isa-isang ipagtatagpi sa kabila ng matinding pagkapagod.

Nang ilang beses akong dumistansya sayo
Isang dipa, isang kilometro,
Ilang munisipyo at ilang mga isla.
Bagamat nagtangka pa rin akong
Bumusina ng katapatan sa pintong paulit-ulit **** pinagsasarhan.

Nang muling mabahiran ng kakaibang ningning
Ang aking mga mata
Na tila may mahika ang bawat **** ngiti
At muling nagkakulay ang puso kong dating kaydilim.
Nang mapagtanto ko ngang: hindi kita nakalimutan,
Hindi ako nagmahal ng iba,
Naghintay ako --
Kahit may iba ka pa.

Dumungaw ako sa ngayon
At dito ko nasaksihan ang hiwaga ng paghihintay.
Na sa pag-aakala kong paulit-ulit ang nasa kalendaryo'y
Mauubusan din pala ako ng dahilan --
Dahilan para magtanong kung babalik ka nga ba.

Nang mahalin mo na rin ako nang buo
Nang kusa **** ibigay ang tiwala at katapatan mo.
At sa minsang pagyakap mo'y
Gusto ko na munang huminto
At magpasalamat pagkat narito na ang sagot --
Pagkat narito ka na at hindi na ito isang panaginip.

Na hindi ko maipaliwanag na ikaw ang dahilan
Ng bawat butil sa mga mata ko noon.
At ang dahilan
Ng bawat kirot na mas maingay pa sa mga kuliglig pag gabi
At pilit kong pinatatahimik sa aking pagtulog.

Parang kailan lang nga --
Pero ayoko nang magkunwari pa
Ayoko nang magtago sa madilim na mga ulap
Na pilit na kumukubli sa pag-ibig ko sayo.
Tama na, pagkat nahulog ako sa sarili kong patibong
At ngayon --
Ngayon nga'y mas mahal na kita.
JOJO C PINCA Nov 2017
"A spectre is haunting Europe"
- Communist Manifesto

Ang multong gumagala noon sa Europa ay hindi parin natatahimik. Hanggang ngayon ay patuloy itong gumagala at nanggagambala. Hindi n’ya pinatatahimik ang mga burgis at elitista. Kaya’t patuloy na nagsasabwatan ang ibat-ibang kapangyarihan sa lipunan upang labanan ang multong ito at hadlangan ang kanyang paggala. Ang mga lider ng relihiyon, ang mga kapitalista, ang mga namumuno sa gobyerno na panay oportunista, ang pasistang militar, ang pulisya pati na ang midya lahat sila ay nagsasamasama upang kalabanin ang multong gumagala.

Nasaan na ang tunay na partido ng mga manggagawa na kinakatawan ng multong gumagala? Nasaan na ang mga rebolusyunaryo at mga aktibista na kakalaban sa bulok na Sistema? Bakit hanggang ngayon ay namamayani parin ang naghaharing mapagsamantalang uri? Kinain na ba kayo ng maling sistema at ngayo’y naaagnas na rin?

Nang bumagsak ang Rusya at lumihis ang Tsina ay nagdiwang ang mga imperyalista. Akala nila ito na ang wakas nang paggala ng multo, subalit nabigo sila at nagmukhang mga asong hangal na kumakahol sa sariling suka. Pagkat nagpatuloy ang multo sa kanyang paggala at ibayong lagim ang kanyang dala-dala. Subalit bakit tanong nila?

Simple lang ang dahilan:

Hanggat laganap ang kahirapan at hindi pagkakapantay-pantay hindi sila patatahimikin ng multong gumagala. Patuloy nitong uusigin ang budhi ng mga ganid at sakim sa kayamanan.

Hanggat ang biyaya ng lupa ay hindi nakakamtan ng lahat ng tao ay patuloy itong magmumulto.

Hanggat ang mga manggagawa ay hindi gumiginhawa hindi mananawa ang multo na magpaalala sa kanila na patuloy nilang igiit at ipaglaban ang kanilang mga karapatan na s’yang nararapat.

Patuloy na gumagala ang multo ng Komunismo na nagmula pa sa Europa kailanman hindi nito patatahimikin ang mga sakim sa yaman at sukaban sa kapangyarihan.
Jenny Guevarra Mar 2018
apat na sundalo
sandata’y tambol at gitara
kakampi ang musika
sabay-sabay na nilalabanan
ang lason ng lipunan
sabay-sabay na dinadaig
ang kataksilan ng pag-ibig
sabay-sabay na pinatatahimik
ang sigaw ng mga multong
galing sa gubat ng poot at galit


/ J G /
David Vlaim Dec 2020
Sa paraang iyan nila kami pinatatahimik, pinapatay, at tinatapos.
Baril ang kanilang sagot sa aming sigaw,
Sigaw para sa karapatan at bayan,
Bayang aming pinaglilingkuran.

Hindi pa ba kayo naalarma?
Na mismong makabagong bayani na ang pinapatay nila,
Mga bayaning halos walang pahinga,
Mapagaling lang nila tayo mula sa pandemya.

Pandemyang naglabas ng baho nilang mga nasa itaas,
At kanilang mga hindi pagiging patas,
Mga taong lantarang lumalabag sa batas,
Malaya pa rin at nakikinabang sa ating kaban.

Kaban na pinagnanakawan,
Bilyong utang,
Na tayong simpleng mamamayan ang magbabayad,
Magbabayad sa inutang na hindi naman natin napakinabangan.

Ilang inosenteng buhay pa ba ang mawawala,
Bago ka tumigil sa pagsuporta sa tuta ng Tsina,
Sa mga tangang namamahala,
Sa mga taong walang hiya.

Gising mga bulag!
072924

O kayraming pangarap na binuo —
Binuno sa sariling salamangka.
May ibang nagwawaging nakangiti,
Habang ang ila’y nalalagas kamamadali.

Nakamamangha nga sa umpisa
Pagkat ito ang batayan ng karamihan
Sa tinatawag nilang  “makapangyarihan.”

Silakbo ng damdami’y aking pinatatahimik
Bagamat sa mga sandaling iyo’y
Gusto ko na lamang mapaos
Sa mga himig na inaanod patungo sa aking lalamunan.

Patuloy ang pagsuntok ko sa buwan
Hanggang sa maging gula-gulanit maging aking kasuotan.
Ngunit sa patımpalak na ito’y
Wala naman pala akong ibang kalaban
Kundi ang sarılı kong anino,
Ang kumunoy ng aking nakaraan.

Madilim —
Madilim ang paligid saanman ako dumako.
May hiwaga pa nga bang taglay ang Liwanag?
Kung ang sinag Nito’y mas maaga pa sa Pasko.

Mahiwaga —
Ganyan nila ituring ang mga alitaptap
Na para bang may isang diwatang
Umaaliw sa kanila,
Naghahayag ng kung anu-anong mensaheng
Wala naman palang kabuluhan
Kaya’t sabay-sabay silang mauubos
Na parang mga paupos na kandaling
Wala nang balak na sindihan pa.

Sino nga ba?
Sino nga ba ang aking susundan?
Napapatid, napapagod, nanlulumo’t nakikiusap
Na ako’y hatulan na lamang ng kamatayan
Nang mabaon na rin sa limot
Ang mga alaalang dumi sa’king katauhan.

Tinatanong ko ang sarili
Kung bakit nga ba paulit-ulit ang daan?
Wala nga bang magtutuwid sa mga lubak nito?
Ito na nga ba ang dulo ng bahaghari?
At sinu-sino nga lang ba ang makahaharap sa Liwanag?

Ako at ang kadiliman
Ako at ang liwanag.
Sino nga ba ang pamato?
Sino nga ba ang tunay na kalaban?

Subalit kung ako ma’y isang anino na lamang,
Ako’y pipisan pa rin sa mga yakap ng Buwan.
At kahit pa ako’y mahuli sa kanilang takbuha’y
Sigurado pa rin akong
May liwanag pa rin sa aking sinusundan.

Ikaw, Anong tantya mo?
Makararating ka rin ba sa dulo?
Ikaw, anong pasya mo?
Tataya ka ba o mananatiling isang anino?

— The End —