Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Poti Mercado Jan 2018
Puno ng init ang unang higop ng kape
Nakakapaso ngunit ramdam mo ring gumuguhit ito sa iyong mga ugat
Hanggang sa umabot na ito sa iyong pusong bumibilis na ang pagtibok
Sa iyong mga kamay na walang tigil ang panginginig
Sa iyong mga matang mulat na mulat sa hating-gabi
At sa iyong mga bibig na nananatiling bukas at handang sabihin ang lahat ng ninanais

Ngunit sino ba ang iyong kape?
Ang nagbibigay sa’yo ng panandaliang lakas?
Sino ba siyang nagiging rason para manatili kang gising sa gabi kahit gustong-gusto mo nang matulog?
Sino ba siyang nagdudulot ng matinding panginginig sa iyong mga kamay at tuhod sa tuwing nakikita mo siya?
Sino ba siyang nagpapabilis ng pagtibok ng iyong pusong naghahanap lamang ng panibagong taong mamahalin habang inaantay **** mawala ang paso sa iyong dila na nadulot ng iyong nakaraang baso ng kape na punong-puno ng pait?

Ayan na’t naglalakad na siya papunta sa’yo
Inaantok ka pa at walang kamalay-malay na nariyan na pala siya
Papalapit nang papalapit hanggang sa nauwi nang magkahawak ang inyong mga kamay at ayan na naman
Ang pagbilis ng tibok ng iyong puso
Ang walang tigil na panginginig ng iyong mga kamay
Ang pananatiling bukas ng iyong mga mata
Kahit gusto na nitong pumikit, magpahinga, at mamaalam na sa ginagalawang mundo

Ngunit tulad ng epekto ng kapeng iniinom mo araw-araw
Papawi rin ang pananabik at pagkamulat ng iyong mga mata
Mapapagod din ang iyong pusong nalasing na sa dami ng kapeng iyong nainom na akala mo’y matamis ngunit nag-iiwan din pala ng mapait na bakas sa iyong mga labi
Titigil din ang panginginig ng iyong mga kamay
Sadyang panandalian lang at hinding-hindi na tatagal
Sapagkat siyang kape na nagbibigay sa’yo ng lakas
Ay siya ring kape na inubos mo hanggang sa huling patak
Pabalik balik
Urong sulong
Tila hindi umuubra ang usal at salita
Kapag nag isip ay lalo lang nagiging kawawa
Nakakabalisa ang kawalan ng gawa
Dahil sa takot ay nagpapakumbaba
Kumbaga ang tamis at tawa ay isinugal at isinawalang bahala
Sapagkat ang hindi pagharap sa takot ay masama

Pinilit kong humakbang palapit
Sinabayan ko ng dasal
Ngunit minsan mas mabilis ang paghakbang palayo o pagtakbo kaysa patungo sa tarantang nararamdaman ko
Sila nga ba ay mga pader na dapat kong banggain o sila ba'y mga haligi na nagtatanggol sa akin?
Gusto ko silang paslangin kahit na parang bahagi rin sa akin na mamamatay rin
Katakot takot ang pagkakatulad netong aking damdamin sa hindi pagiging malaya, sa pagiging mahaba lamang ng tanikala

Kinakain na ko ng aking isip at katawan,
Kahit na tiyan ko'y walang laman kundi kape at init ng laman,
Paano nga ba magsisimula?
Unti untiin o isang biglaang awitin, pag aklas sa panginginig,
Pagtuklap sa mga matang gising na nagkukunwaring sa pagtulog ay mahimbing,
Dahil totoo ang panganib kaya't natatakot ka sa maaaring mangyayari o sa hindi mo ginawa,
Ngunit sa pagitan ng sarili mo at takot na naninirahan sa iyong isip sino nga ba ang mas totoo at mas mahalaga,
Ang daga sa iyong dibdib o ang kaluluwa **** maga?
Wag isaalang alang ang bait sa ating mga sarili dahil ang hindi paggalaw kahit na ang diwa mo'y pagal ay pagtaya sa isang maling sugal.

— The End —