Kagabi, napanaginipan ko ang
Unang pagtatangka nating
Abutin ang langit. Tumatakbo
Tayo sa isang malawak na
Parang, tangan ang huling
Saranggolang iaalay natin sa
Panganorin ng tag-araw.
Doon, panginoon natin ang
Kalayaan, kaya nilimot natin ang
Bilin ng mga nakatatanda.
Sabay nating
Tinaboy ang ambon,
Tinawag ang hangin,
Tinaas ang saranggolang
Huling saksi na ikaw ay umibig
Sa isang ako.
Kagabi, napanaginipan ko ang
Huling pagtatangka nating abutin
Ang langit. Wala na ang malawak
Na parang, naparam na ang
Bawat bakas ng ako na umibig
Sa isang ikaw...