Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Manaka-naka kong binisita ang 'yong munting tahanan
Siniyasat kung may bagong kagamitan o panauhing pinaunlakan
Sinuri ang katibaya't karupukan ng dating kagamitan
Repasuhin ang pundasyong itinukod ng nakaraan

At sa muli kong pagbisita sa 'yong tahanan
May bago akong nadatnan– nag-iba ang 'yong kinahihiligan
Hindi na aso kundi pusa ang paborito **** alagaan
Pati pintura ng 'yong munting tahana'y sya ring pinalitan
Ang dating itim ay tuluyang naging luntian
Maging ang pader nito'y simentado na't hindi kawayan
Pagbabago nga ba? o isinaayos lang?

T'wing bibisita ako sa 'yong tahanan
Dati-rati'y umaabot pa sa 'yong pintuan
Datapwat ngayo'y hanggang tarangkahan na lamang
Nananatiling nakamasid sa 'yong bakuran
Sa harding dati'y mirasol pa ang namumukadkad at hindi rosas
Sa bagong panauhing pinapasok sa pintuan
Pinaunlaka't nilaanan ng oras
Sa mga larawan niyang nakasabit sa dingding na dati'y mukha ko ang nilalaman
Nakatanaw;
Sa tahanang minsan ako'y nanahan
Sa tahanang tuluyan ko nang nilisan

-SLE
Para sa taong naging aking tahanan.
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)

— The End —