Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jeremiah Ramos Apr 2016
Bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Pakinggan mo ang mga bulong sa isip ko tuwing nakikita ka
Sana hindi ito maging isang alaalang makakalimutan
Mga salitang papasok at lalabas din naman
At sana dalhin mo 'to sa pag-gising at pag-tulog mo
At alalahanin na para sa'yo to.

Hindi na kita mahal
Hindi na kita mahal
Makinig ka sa'kin.
Hindi. Kita. Minahal.
Hindi. Kita. Minahal

Ilang beses ko man ulit-ulitin sa sarili ko
Na minsan nawawalan na ng saysay ang salitang mahal
ang salitang ikaw, ang pangalan mo sa isip ko
Pero hindi pa din nawawalan nang saysay ang mga alaalang naiwan mga alaalang nakalimutan, at 'di ko alam kung tama bang binabalikbalikan ko
Ang gabing napagtanto ko na nahuhulog na pala ako sa'yo

Hindi na kita mahal
Na kahit lahat na siguro ng tulang sinulat ko ay para sa'yo
kahit lahat na siguro ng metaporang alam ko ay na inahalintulad ko sa'yo
Isa kang bulalakaw, isa kang bituin, ikaw ang buwan
Ikaw ang bumubuo sa ganda ng gabi,
Ikaw ang araw, ikaw ang mga ulap, ikaw ang langit,
Ikaw ang buong kalawakan na hindi ko kailanman pagsasawaan
Ikaw ang karagatan, mahiwaga at kapanga-pangambang sisirin,
Ikaw ang apoy, na nagpapaliwanag at nagpapainit ng gabing malamig
Ikaw ang librong 'di ko kinakailangan ng pahinga
Para intindihin ang bawat salitang nakalimbag sa bawat pahina
Ikaw ang sining ko
Ikaw ang tulang ito.
Para sa'yo at tungkol sa'yo.

Hindi kita minahal,
Kahit na lagi kong inaabangan ang mga storyang kwinekwento mo
Na para bang hinahatak mo ako pabalik kung kailan nangyari ang mga 'to
at sinamahan ako para panuorin natin
Kung sino ba ang nandito at nandoon
Kung nasaan ang mga silya, lamesa, pintuan, at bintana
Ang mga pangalan ng mga minahal mo at nagmahal sa'yo na dapat mo na sigurong kalimutan
Kung saan kayo nagkakilala,
Kung anong naramdaman mo nung nahuli mo siyang nakatingin din sa'yo at nagkasalubong ang inyong mga mata
At sa lahat ng storya mo,
Napagtanto ko na ayoko maging parte ng mga storya **** nakalipas. Na sana ako ang storyang hindi mo kailanman iisipin na bibigyan ng wakas.
At ikwento mo din sana ang gabing ito
Ikwento mo ang bawat paghinga ko sa bawat puwang ng mga salita
Ang pagbuka ng bibig ko para sambitin ng tama ang bawat pantig, ang pag nginig ng mga kamay at tuhod ko,
At kung maririnig mo man, ang bilis ng tibok ng puso ko ngayon.
Ikwento mo.
Ibulong mo sa pinakamalapit **** kaibigan, para manatiling sikreto.
Ang tinatagong nararamdaman na 'di mo na siguro kailangan malaman.

Tama lang siguro na magkaibigan tayo,
Kasi
Hindi na kita mahal.
Hindi kita minahal.
Pinilit ko lang ang sarili kong mahulog sa'yo
Pinilit lang kitang mahalin
Para makalimot, para iwanan ang dating naramdaman.

Gustohin ko man ulit-ulitin sabihin sa'yo,
Magsasawa ka sa bawat pantig, sa bawat letra.
Kaya ibubulong ko na lang sa sarili ko, para manatiling sikreto
Ang dating nararamdaman na hindi mo na kailanman malalaman.

Kaya bago ka umalis,
Sana pakinggan mo muna ako,
Sa huling pagkakataon pakinggan mo ang katotohanan
Isantabi mo ang mga bulong sa isip ko na napakinggan mo.
At sana tandaan mo na
Dati, at dati lang
Minahal kita.
Para kay __.
X Oct 2014
Alam mo bang ikaw ang tanging nais ko?
Hindi na ako hihiling pa...
Bakit pa nga ba?
Sinasabi **** hindi ka kaibig-ibig,
Ngunit iba ang aking nakikita.
Lahat ng lumalabas sa iyong bibig
Ay aking tinatago
Para pakinggan sa oras ng kalungkutan.
Ang iyong mga ngiti,
Hindi ko pagsasawaan.
Kahit na ayaw **** tinititigan ka,
Hindi ko mapigilan.
Kay gandang pagmasdan
Ng aking musang
Handa kong ipaglaban.
Krezeyyyy Nov 2016
Ayan! Siya pala yung taong
Minahal ko
(At patuloy ko pang minamahal)
Oo, nakakalula yung tingin at ngiti nya
At kung marinig mo man ang mga tawa niya
Naku! Gagawin mo ang lahat para
Marinig at marinig at marinig at marinig
Paulit-ulit ulit-ulit at hindi mo pagsasawaan
Ang mga tawa niya.

Siya pala yun
Yung kaya kong gawin lahat
Ipaglaban hanggang sa dulo
Noon, walang kasiguraduhan
Yung pinagagagawa ko sa buhay
Hanggang siya..
Dumating nga siya’t lahat ng bagay
Ay may kabuluhan
Ang mga araw ay naging
Mas maaraw
Nakikisayaw na rin ako sa mga
Ulan sa hapon
At sa gabi
Di alintana ang lamig sa init ng mga yakap
Kapag yumayakap
Sa bawa’t sandali.

Siya nga yun
Yung nakiusap na bumitiw at bitawan
Mga kamay na hindi ko pa nga
Nahawakan
Mga ngiting hanggang sa litrato na lamang
Mga salita ng pag-ibig
Na hindi pa naipaglaban
Pero bumitaw na siya
At naki-usap ako’y bumitaw na.

Siya yun
Yung kaya kong gawin lahat
At ngayon ay paulit-ulit kong
Binibitawan
Sa puso at isipan
Kung kaya ko siyang ipaglaban
Siguro (sana naman)
Kaya ko din siyang bitawan.
JOJO C PINCA Dec 2017
may pagkasabik akong nararamdaman,
paghahangad na hindi ko mabigyan ng ngalan
isang pagtataka na 'di ko matukoy ang dahilan.
isang pagkasabik na walang paghupa,
isang pagkauhaw na hindi matighaw,
isang pagkagutom na tila walang kabusugan.
ewan ko ba kung bakit ganito ang aking nadarama.
ito ang aking nararamdaman sa 'twing nakikita kita,
ganito ako kapag katabi kita,
ganito ako kapag naaamoy kita,
sa madaling salita nakakagutom ka.
gusto kitang kainin mula ulo hanggang paa,
halikan, dilaan at amuyin nang paulit-ulit,
pagkain ka na hindi ko pagsasawaan tikman,
ganito kita gustong angkinin.

— The End —