Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kahel Feb 2020
sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya
hindi ko nakakalimutan sabihin ang mga linyang ‘to: “ikaw ang pahinga ko”

pahinga ko pagtapos ng mahabang araw makipagsapalaran sa buhay at para makahabol sa liga
pahinga ko habang naglalakbay mula timog hanggang hilaga
pahinga ko upang mapaalala na ang bawat pagkakataon na makasama siya ay mahalaga
pahinga ko dahil napapakalma niya puso’t isipan ko nang walang bahala

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
ako pala yung unang kakapusin ng hininga,
boses ko’y di na madinig sa sobrang hina,
mag-isa tuwing gabi at ang tanging katabi ay pangamba,
habang nakatitig sa sapot sa kisame na gawa ng gagamba


ngayon,
napagtanto ko na sa mga panahong kinailangan ko siya para maging kalakasan ko,
siya din pala ang magiging dahilan ng kahinaan ko

sa araw-araw na pagpapaalala ko sa kanya,
na siya ang pahinga ko,
hindi ko namalayan na pa kunti-konti na akong hinihingal,
bumabagal,
na-uutal,
umaangal,
nawawalan ng tamang asal,
nakakalimutan ko na nga din ata mag-dasal.


nakakapagod din pala ‘no?
magpaalala palagi,
kahit na hindi ka maalala,
kaya pahinga muna ako,
kahit ngayon lang,
hihiga muna magpapahinga upang makahinga.
nakakapagod, mapagod.
Eugene Oct 2018
"Anak, ilang oras na lang, aakyat ka na sa entablado. Proud na proud ako sa iyo, anak" wika ng kaniyang ina habang inaayos ang suot niyang toga. Isang matamis na ngiti naman pinakawalan ng binata at niyakap nang mahigpit ang ina.

Ito na ang araw na pinakahihintay niya.

Ang araw na magtatapos na siya sa kolehiyo.

Ang araw na pinaka-pinanabikan niyang dumating sa buong buhay niya.

"Anak, mauna ka na muna roon sa unibersidad at ako ay susunod na lamang. May tatapusin lang ako rito sa ating tahanan. Hindi puwedeng hindi maganda ang iyong ina kapag akay-akay kitang nagma-martsa,"  Isang halik sa pisngi ang iginawad ng ina sa anak.

Lumipas pa ang dalawang oras, isa, at hanggang sa naging tatlumpung minuto na lamang ay hindi pa rin nakikita ng binata ang kaniyang ina. Kabadong-kabado na siya nang mga sandaling iyon.

"ROGEN! ROGEN!" sigaw ng isang tinig. Hinanap ni Rogen ang pinanggalingan ng tinig at doon ay nakita niya ang kaniyang matalik na kaibigang hingal na hingal na tumatakbo patungo sa kaniya.

"Bakit tila hapong-hapo ka, Arwan?" aniya.

"Ang--ina. Ang-- iyong ina! isinugod sa ospital ang iyong ina,"  agad namang kumaripas ng takbo si Rogen, suot-suot ang togang mayroon siya upang puntahan ang pinakamalapit na ospital sa kanilang bayan nang marinig ang tungkol sa ina.

Habang tinatakbo ang daan patungo ay hindi napigilan ni Rogen ang pagpatak ng mga luha sa kaniyang mga mata. Nang marating ang ospital ay agad niyang pinuntahan ang information desk. Sinabi ng nars na nasa emergency room ang kaniyang pakay at hindi pa nakakalabas ang doktor.

Pinuntahan niya ang emergency room at doon ay natagpuan niya ang sariling kausap ang kaniyang amang matagal niyang hindi nakita.

"Rogen, anak," agad siyang niyakap nito. Hindi naman nakapagsalita si Rogen dahil ang puso at isipan niya ay nasa kaniyang ina.

"Anak, patawarin mo ako kung ngayon lamang ako nakauwi at hindi ko inasahang sa muling pagkikita namin ng iyong ina ay aatakihin siya ng kaniyang sakit sa puso," mulagat ang mga mata ni Rogen nang marinig ang salitang iyon. May sakit ang kaniyang ina at hindi niya alam? Inalalayan siya ng kaniyang ama na umupo at doon sinabi sa kaniya ang lahat.

"Anak, graduation mo ngayon. Kabilin-bilinan ng iyong ina kanina bago siya atakihin ng kaniyang sakit na kailangan **** daluhan ang pagtatapos mo. Wala man siya o nasa tabi mo man daw siya ay dapat personal **** abutin ang diploma mo at ang medalya **** apat na taong mo ring pinaghirapang makamit," patuloy ang pag-agos ng mga luha sa mga mata ng kaniyang ama habang siya ay humahagulgol na. Ang medalyang iyon sana ang sorpresa niya sa kaniyang ina pero mukhang nalaman na rin niya pala ito.

"Mayroon ka na lamang sampung minuto upang bumalik sa unibersidad at kunin ang iyong medalya at diploma, anak. Ako na ang bahala sa iyong ina. Alam kong bibigyan pa siya ng Panginoong makita ang medalya at diploma mo. Tuparin mo ang bilin niya, Rogen."

Kahit mabigat sa kalooban ay pinahiran ni Rogen ang kaniyang mga luha at tumayo. Sa kauna-unahang pagkakataon ay ginantihan niya ang yakap ng kaniyang ama at mabilis na tumakbo palabas sa ospital .

Sampung minuto na nang makalabas siya sa ospital.

Siyam na minuto nang pumara siya ng masasakyan at dali-daling sumakay dito.

Walong minuto nang magsimulang umandar ang dyip.

Pitong minuto nang biglang bumagal ang usad ng mga sasakyan.

Anim na minuto nang iabot ni Rogen ang bayad sa drayber at naghintay pa ng isang minuto.

Limang minuto at hindi na nakatiis si Rogen. Bumaba na ito ng dyip.

Apat na minuto na at hindi na niya ramdam ang init nang mga oras na iyon maging ang mga nakabibinging busina ng mga sasakyan sa kalsada.

Tatlong minuto na at nasa tapat na siya ng unibersidad. Ang lahat ay nasa loob na ng convention hall.

Dalawang minuto na at kailangan niyang magmadali dahil dinig na dinig na niya ang pagtawag sa mga apelyido ng magsisipagtapos na nagsisimula sa letrang "B".

Isang minuto na at sa wakas narating din niya ang convention hall. Tamang-tama lang dahil buong pangalan na niya ang tinawag ng EMCEE.

"Batobalani, Ujuy Rogen, MAGNA *** LAUDE!"

Basang-basa na ng mga luha ang togang suot ni Rogen nang mga sandaling iyon pero taas-noo pa rin siyang naglakad upang umakyat sa entablado. Nanalangin sa isipang sana ay huwag munang kunin ang kaniyang ina.

Nang makaakyat ay binati siya ng mga naroon at isinabit sa kaniya ang kaniyang medalya.

"Everyone, let us hear the message of success to our first ever Magna *** Laude of West Visayas University - College of Education, Rogen Ujuy Batobalani!"

"Isang maikling talumpati lamang po ang aking ibibigay sa kadahilanang hindi ko po nakasama ang aking ina rito sa entablado upang magsabit sa akin ng aking medalya. Nasa emergency room po siya ngayon at nag-aagaw buhay." muli na namang pumatak ang kaniyang mga luha.

"Sa aking ina, nais kong malaman mo na walang araw na hindi ko inihahandog ang mga gantimpalang nakamit ko sa unibersidad na ito. At itong medalyang ito at ang diplomang kukunin ko ay para sa iyo. Para sa walang sawang pag-suporta mo sa akin. Para sa araw-araw **** pagpapaalala sa akin na ang buhay ng isang tao ay parang isang mahabang tulay na may iba't ibang uri ng balakid sa daang kailangang suungin, at lagpasan ng may lakas ng loob, tiwala, at malakas na kapit sa ating Panginoon upang makita ang dulo nito. Walang hanggan ang aking pasasalamat sa iyo, mahal kong ina. Mahal na Panginoon, maraming salamat din po at nagkaroon ako ng isang inang katulad niyang mabait, maalalahanin, maalaga at mapagmahal. Alam Niyo po ang iniiyak ng aking puso at nawa ay Iyo po itong pakinggan."

Ang hindi alam ni Rogen, matapos ang maikling talumpating iyon ay siya namang pagtigil ng tibok ng puso ng kaniyang ina sa ospital.
Mahal ingat ka.

ingat ka mahal dahil baka madapa ka sa paulit ulit **** pagtakbo sa aking isipan

halos malibot mo na nga ang diwa kong kay sukal na parang kagubatan

at sa patuloy **** pagtakbo sa isip, baka hindi ko mamalayan

na tanging pangalan mo na lang pala ang aking nasasambitan.


ingat ka mahal, lagi kasi akong nag aalala sayo.

e hindi naman sa lahat ng pagkakataon nandyan ako sa tabi mo.

kung pwede ngang ako na lang ang mag ingat sayo, gagawin ko

Mahal na mahal kita, higit pa sa inaakala mo.


sabi ko mahal mag-ingat ka, pero hindi mo ginawa

nabundol ka tuloy hay nako mahal.

Nagpalamig lang naman ako sa tabi upang tiyaking ligtas at hindi magulo ang iyong isipan

mahal, kulang ba ang ginawa kong pagpapaalala?

hindi ba sapat ang pagpapakita ko sayo at ang pagsinta kaya’t ninais **** umiwas sinta?

Ngunit,

dahil mahal kita, at ang gusto ko lang ay makita kang maligaya.



ingat ka pa rin mahal

nag-aalala pa rin kasi ako sayo

maghihintay, umaasa sa muling pagbabalik mo

mahal pa rin kita, kaya mag ingat ka mahal

Dahil sa muling pagbalik mo iingatan na kita lalo

At hindi hahayaan na mabundol at masugatan

ang mahiwaga **** ikaw.

Kaya mahal ingat ka.
Ps. Nakikinig ako sa bawat kwento mo at nagaalala ako lalo kaso natatakot akong iwasan mo lalo. - hideonhell
Nyl Oct 2017
Tulala sapagkat walang ginagawa,
sa maghapong oras ay nagdaraan
Tulala sapagkat napapagal,
buong araw sa trabaho ay inilalaan
Tulala sapagkat sawi,
puso ay humahangos at puno ng pighati
Tulala sapagkat nabigla,
may gantimpala, sa mukha nakapinta ang ngiti

Ito nalang marahil ang tanging pahinga ng isip,
panahon na walang alintana
Masasabi mo nalang ang “bahala na” na nagmula pala sa pariralang “Kay Bathala na”
Ang pagtingin sa kawalan ay para ring
mahimbing na tulog sa gabi-
Gabing mga suliranin na ninanais mo nalang kitilin
at itago ang labi
At kahalintulad din nito ang bagong umaga na ang hudyat ay ang sikat ng araw-
Araw **** pagpapaalala sa iyong sarili na matapos ang unos, bahaghari ay lilitaw

Libu-libong berso at pangungusap na ang nagawa
para gunitain ang pag-ibig
Ngunit bakit bihira ang para sa isip na hindi ito naiisip,
isip na puno ng ibang ligalig
Ang literatura ba sa kanila ay sadyang mailap? Hindi inilaan sa kundiman
Kung hindi man, ay para saan?

Iwaglit na ang mga sapantaha,
sapagkat ang tulang ito ay nagawa na
Tula para sa mga tulala, tula para sa akin, sa iyo, at sa kanila
At hayaan **** ang isip ng isang tulala ay maglayag
Bagamat tahimik, tiyak na marami itong ipahahayag

— The End —