Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
090316 #AlphabetsOfLove #SpokenWords

Nag-aral ako't rumolyo ang panahon
Nagbilang ng taon, nabihag ng pag-ibig Niyang pabaon.
Naghalungkat ako ng mga mumunti Niyang Katha
Sa tarangkahang puno
Ng higit pa sa dalubhasang mga Salita.
At heto --
Heto ang Bukas na Liham
Ng pag-ibig ng isang tunay na Mandirigma.
Para sa lahat ng nanghihina't nasawi ng tadhana,
Para sa lahat ng humuhugot
Sa sandamakmak na nagdidilimang mga eskima
Heto, heto nga pala ang ABAKADA ng Pag-ibig.

----

A-alalayan Kita't baka mahulog ka't masaktan pa ng iba. Baka magpasalo ka na naman sa mga bolerong nanunungkit ng pag-ibig -- silang susungkit ng mga bituin para sayo, silang haharana sayo ng kilig, silang magsasabing maghihintay sayo kahit pa sa magkabilang mundo -- silang magdudulot lamang ng matinding pait sa puso mo pag hindi ka pa handa, pag hindi ka pa nahilom at pag hindi pa panahon. Oo, silang muling gugusot ng pagkatao mo.

B-abalikan Kita, hindi dahil Ako ang nang-iwan. Pakiramdam mo kasi'y wala ka nang halaga; yung tipong iniwan ka na ng lahat sa ere't kaunti na lamang ay pabagsak ka na -- yung wala ka nang matakbuhan pa, yung paikut-ikot na lang, yung takbo ka na lang nang takbo -- hanggang sa mapagod ka na lang. Mapapagod at kusa kang hihinto -- yung bibitiw ka na, yung aayaw ka na, yung titigil ka na, yung wala ka nang pakialam. Kaya't --

K-akalingain Kita, di gaya ng pag-ibig na minsang nagpaluha sayo. Nang nasisilayan Kitang magdamagang umiiyak. At kasabay ng bawat teleseryeng pinapanood mo ay luluha ka't hahagulgol ka sa isang sulok. Paulit-ulit sa bawat alaala, parang lirikong sinasabayan mo sa bawat hugot na pasan-pasan mo. Na lahat na lang, tila ba'y konektado sa kanya. Na wala ka nang mapanghawakan pa. Iiyak ka na naman ba? Pero --

D-aramayan pa rin Kita, hindi lang sa mga pagkakataong sawi ka; pero pati sa mga oras na gusto mo siyang balikan. Doon ay papagitna Ako at pipigilin Kita. Gusto kong makita yung totoong ikaw, yung dapat sanang ikaw -- yung ikaw na kahit wala siya'y buo ka pa rin. Yung hindi mo malilimutang mahal -- mahalaga ka para sa Akin.

E-h nasasaktan ka na. Ganyan ba ang pag-ibig na gusto mo? Na siya na ang nagiging mundo mo? Na halos wala ka nang kibo sa roletang dapat sana'y para sayo? Ganyan ba, ganyan ba ang totoong nagmamahal? Na hahayaan **** malugmok ka't madungisan ang sarili ng paulit-ulit at miserable **** nakaraan? Na hindi ka na kikilos, na parang wala ka nang balak bumangon at salubungin ang araw. Na parang hahayaan mo na lamang manlamig ang kapeng itinimpla sayo ng mga higit pang nagmamahal sayo. Pero --

G-agamutin Kita. Lahat ng mga sugat at pasang idinulot sayo ng nakaraa'y pawang aalisin Ko. Ako mismo ang kukuha ng bulak at Siyang papahid at dadampi sa bawat kirot at hapding naiwan sayo ng minsang ipinaglaban mo. Ako mismo ang iihip sa bawat nangigitim at sariwang mga pantal at peklat na bumabalot at kumukubli sa dapat sanang ikaw. Handa Ako at kaya Ko -- kaya kong alisin ang lahat --

H-anggang sa makabangon kang muli't maranasan mo ang pagbabagong ganap. At mapagtanto **** hindi naman siya kawalan sa pagkatao at pagkatawag mo. Masakit man pakinggan pero oo, hindi siya ang buhay mo. Uulitin ko: hindi siya ang buhay mo. Tumingin ka sa mga mata Ko. Pagkat oo, buo ka pa rin at walang nagbago sa paningin Ko sayo.

I-iyak ka paminsan pero ang lahat ay mananatiling alaala na lamang; luha mo'y sasaluhi't pupunasan Ko. Bibilangin Ko ang bawat butil na walang humpay na dumarampi at darampi pa sayong mga pisngi, higit pa sa matatamis na pangako niyang napako na rin kalaunan. Oo, napako ang lahat -- napako ang lahat sa Akin.

L-umaban Ako at patuloy Kitang ipinaglalaban. Tiniis ko ang bawat matitinik na hagupit sa mga balat Ko; maging mga pangungutya ng mundo. Para sayo -- para sayo, lahat ay ginawa Ko na; lahat ay tinapos Ko na at lahat ay iginapos Ko na. Pagkat --

M-ahal Kita at hindi Ako magsasawang patunayan yan sayo. Walang anumang bagay sa mundo na makapagtitibag at makahihigit sa pag-ibig Kong laan sayo. Mahal Kita at mas mamahalin pa -- higit sa mga araw na bilang, higit sa mga oras na ninakaw ng dilim pagka maaga ang takipsilim, higit sa kaibuturan ng dagat na wala pang nakalalangoy -- higit sa mga panahong pipiliin **** mahalin na rin Ako.

N-i hindi Kita iiwan, ni hindi pababayaan. Kaya -- wag ka sanang matakot na buksang muli ang puso mo, pagkat ni minsan -- ni minsa'y hindi Ko naisip na biguin ka. At hindi Ko naisip na paasahin ka gamit lamang ang mga salita, pagkat kalauna'y darating Ako para sunduin ka. Totoo ang bawat pangako Ko at lahat ay para sa ikabubuti mo, kaya't panghawakan mo ito -- hindi gaya ng pagsalo ng tubig gamit ang mga kamay mo. Pero hindi, hindi masasayang ang pag-ibig mo.

O-o, naiintindihan Kita, na nahihirapan kang magtiwalang muli dahil sa sobrang nasaktan ka na. Hindi Kita minamadali at hindi Ko ipipilit ang pag-ibig Ko sayo. Hahayaan Kita -- hahayaan Kita kasi gusto kong kusa ang pagtitiwala't pagmamahal mo. At --

P-apasanin Kita. Gaya ng isang Inahing naglilimlim sa kanyang mga inakay, gaya ng isang Inahing hahagis sa kanila sa himpapawid gamit ang sariling mga pakpak. At Gaya ng isang Inahing sasalo at papasan sa kanila pag nahulog silang muli -- hanggang sa makalipad sila -- hanggang sa makalipad kang muli. At buhat sa ereng pinagtambayan, buhat sa ereng pinagkatakutan mo'y, ngayo'y makakaya mo na. Kahit na sabi mo'y naputulan ka na ng pakpak; kahit pa sabi mo'y hindi ka na muling makalilipad pa. Mali, mali ang paniniwala **** yan pagkat --

R-aragasa ang pagpapala't ibubuhos Kong ganap ang Sarili Ko sayo. Ayokong iniisip **** hindi mo na kaya ang buhay; ayokong mawalan ka ng pag-asa dahil lang umasa ka sa maling tao o maling mga bagay o mga sitwasyon. Sabi mo pa nga, wala nang saysay ang buhay mo. Sabi mo nga, hindi mo na kaya. Oo --

S-asabayan Kita -- sasabayan, hindi lamang sa pag-abot ng mga pangarap mo. At sa bawat lubak na madarapa ka, tandaan **** narito Ako't aagapay sayo, kahit ilang beses ka pang matisod sa pagtalikod o pagkatalisod ay handa pa rin Akong saluhin ka -- sasaluhin at payayabungin.

T-atayo Ako sa harap mo at Ako ang magsisilbing harang sa bawat balang ikaw ang puntirya. Manatili ka lang -- manatili nang may buong pananampalataya at Ako -- Ako ang gagawa ng mga bagay na imposible sa paningin mo -- mga bagay na mistulang imahinasyon mo lang; mga bagay na binaon mo na sa limot pagkat huminto ka, huminto ka dahil napagod ka. Pero tapos na, tapos na ang panahon ng kapaguran. At ngayo'y --

U-nti-unti **** mararamdamang kusa na ang pagyapak mo kasama Ako. Na kaya mo na pala, na nakahawak ka na rin sa mga kamay Ko; na hindi ka na bibitaw pa. Pagkat, kailanma'y hinding-hindi Kita binitawan. Oo, hindi Kita hinila noon pagkat ayokong napipilitan ka pero matagal na -- matagal na akong nakahawak sayo; hindi mo lang napapansin o hindi mo Ako nagagawang tingnan.

W-ag kang mag-alala't alam ko ang kapasidad mo - kung kailan mo kaya at kung kailan hindi. Alam kong minsan mahina ka, pero maging mahinahon ka.

Y-ayakapin Kita, Anak; at kung iiyak kang muli, pwede bang sa mga bisig Ko na lang? Ikaw ang tanging Yaman ko't alay Ko sayo ang lahat. Mahal Kita, at ito'y walang hanggan.

---
Ngayon, magtatapos Ako
Magtatapos ako kahit na sarado pa ang puso mo
Kahit na may iba ka pang mahal sa ngayon
Kahit tila naririndi ka na sa pagkatok Ko
Kahit pa pinagsasarudahan mo Ako
Kahit pa ayaw mo pa Akong tanggapin
Kahit pa sabi mo'y hindi ka pa handa
Kahit pa sambit mo'y sa susunod na lang
O kahit pa sigaw mo'y tumigil na Ako
Pero hindi, ayokong magtapos ng ganito.
Magtatapos Ako't maghihintay sa sagot mo
At sana, sana'y dugtungan mo ang liham ng paanyaya
Dalawang letrang magkatulad lang
Dalawang letra lang ay sapat na
At ito -- ito na marahil ang pagtatapos
Na Ikaw ang Simula.
Daniella Torino Jun 2017
Naaalala ko
kung paanong lumusong sa dalampasigan
ng walang kasiguraduhan,
naglakbay sa ilalim ng mga madilim na ulap
sa likod
pilit na itinatago ang mga bituing
sinusubukang abutin
ang daang hindi alam ang pupuntahan
kung mayroon nga bang walang hanggan o mayroong patutunguhan,
sa pag-asang mahahanap din
ang hindi matagpuang kakulangan.
Nagbabakasakali
sa karagatang hindi maalon,
malayang naggagalugad,
sumasandal at yumayakap ang malamig na tubig
sa maligamgam at aligagang kaluluwa,
hindi mapakali,
kung paano nga bang makararating o madadatnan ang pampang.
At unti-unti,
naririnig ang bawat hampas ng lumalakas na alon
kasabay ang mababagsik na hanging may dala-dalang unos,
ako’y hinahaplos,
lumulubog
at naghihikahos,
hindi makahinga,
humihiling
na sana’y rito na matapos
ang paghahalughog na hindi matapos-tapos.

Pero tapos,
hindi pa rito magtatapos,
bubuksan ang mga mata
ngunit hindi makita-kita
ang puwang sa pusong hindi mapunan
ng kakaibang dulot ng panitikan,
ng sining na nagpapaalalang napakaraming bagay pala
ang hindi maipakikita o mabibigkas
sa likas na paraan na alam ng tao,
na sa kahunghanga’y naniwalang
ang sining at pag-ibig ay walang pinagkaiba;
sa pagbili ng paboritong libro
habang inaamoy ang kakaibang
halimuyak na dala
ng mga papel na may bagong imprenta,
sa proseso ng pagkabuo at pagkawasak
mula sa mga salita’t tugma
hanggang sa ito’y maging tula
dahil kahit bali-baligtarin ma’y pipiliin pa ring
makulong sa isang tula,
itinatatwa
ang mga panandaliang tuwa
sa pagitan ng mga delubyo’t sigwa.
Lumulutang
sa mga pighati,
pasakit,
pagkadapa,
pangamba,
pangangatal,
paglisan,
pagkapagod
at pagkatalisod.
Kaya ako’y pipikit na lamang,
susubukang umidlip,
o matulog nang ilang oras,
walang pakialam kung abutin man ng ilang araw o dekada,
tatangkaing matagpuan ang patlang sa panaginip,
sa pagitan ng bawat malalim na buntong-hininga,
sa lingon, baka hindi lang nahagip ng aking mga mata
o baka nakatago sa paboritong sayaw at mabagal na musika,
sa bawat patak ng luhang hindi na mabilang
kasabay ang ulang panandaliang kanlungan,
sa anino ng bahagharing hindi alam ang pinanggagalingan.
Hindi ko na alam
pero susugal na matagpuan
ang katiyakan sa walang katiyakan
sa panaginip at bangungot na walang katapusan.

Tapos heto,
hinahanap pa rin
ang halaga ng halaga
ang tula ng tula
at ang ibig ng pag-ibig.
Patuloy lang na hahakbang,
mula sa kinagisnang tagpuan,
magpapabalik-balik,
pagmamasdan ang hungkag
na sarili na nasa katauhan ng isang katawan
kung paanong mamamanghang paglaruan
ng dilim na magwala ang kaluluwang nawawala.
Umaalingawngaw
ang kalungkutang matagal nang gustong lumisan
sa pusong ang tanging alam lang
ay ang hindi na muling paglaban,
bilanggo ng mapanlinlang
na ligayang kumukupas
at nag-iiwan ng malalalim na bakas.
Tumatakas
ang inakalang kasiyahan
na kadugtong pala ay kalumbayan,
ang liwanag ay kapatid pala ng kapanglawan.
at ang paghahanap ay kasunod ang kawalan.

Ngunit,
ako'y paikot-ikot lang dito,
umaalpas,
naliligaw sa isang pamilyar na kapilas,
mag-iba-iba man ng anyo ang simula’t dulo,
iiwan sa kawalan ang ilang libong pagdududa
sapagkat sa isang bagay lang ako nakasisiguro:
daan ko’y patungo pa rin sa’yo.

Maligaw man
o maiwan akong mag-isa sa tuktok ng kabundukan,
lagyan man ng piring ang mga mata,
harangan ng tabing ang lansangan,
umusbong ang malalaking gusali ng palalong hiraya,
alisin man ang lahat ng aking alaala,
makakaya pa ring sumayaw sa panganib na nagbabadya
dahil hindi na ako nangangamba,
alam kong ako’y iyong isasalba.

Kaya taluntunin man nila
ang mapa
ng aking napagal na puso,
ngingiti lang ako at sasabihing:
“ikaw ang dulo, gitna, at simula”.
Walang humpay mang umagos ang luha,
wala nang palalampasing pagkumpas
ng iyong mga kamay
sa aking tinatahak na landas
dahil ipilit man ng kalawakan
ang ilang libong katanungang
parating naghihintay ng kasagutan,
ikaw at ikaw lang
ang tanging sasapat
sa sagot na hinahanap.
Paikutin man
sa kawalan,
sa pagkukubli,
wala nang pagkabalisa
dahil ngayon naiintindihan ko na
ang bawat tamis at pait,
lungkot at saya,
pighati at ligaya,
pagkabagot at pagkasabik;
at ang bawat sandali pang darating.
at ngayon,
nahanap din kita.
Mali, matagal mo na akong natagpuan.
At nalaman ko na sa gitna ng mga sandali
ay naroroon ang ating walang hanggan,
sa iyong piling.

Kaya
magsimula man muli sa walang kabuluhan,
gitna o dulo ng paroroonan,
mananatili lang na
magpapahinga ang pusong
nanghihinawa
sa dala **** ginhawa.
Ngayon,
naiintindihan ko na -
na sulit ang lahat
at maligaya ang aking paglalakbay
sapagkat
sa wakas, nakarating din ako sa aking tahanan – ang PAG-IBIG mo.

— The End —