Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Jun Lit Sep 2017
Malakas ang bugso ng hangin
Bunsod ng pangangailangan
Bumubuhos ang ulan ng pananagutan
Daluyong, sunud-sunod ang hagupit

Mabuti pa ang kabuting mamunso
Magkakambal lamang karaniwan kung sumibol
Ngunit anong kalupitan mayroon ang kapalaran?
Di na nga makaahon sa dagat ng kahirapan
Ilulubog na naman ng alon ng kamalasan

Bibilangin bang muli ang galos ng panghihinayang
Tatapalan na lamang muli ang sugat ng puso
Ng dahon ng ikmo ng kapaitan
at binulungan ng orasyon ng sama ng loob
Bigo pa rin sa paghihintay ng kayamanang mailap

Litanya ng kabiguan:
     Pagkawala ng mga ari-arian..........
     Pagka-ilit ng lupa at tahanan..........
     Pagkaulila sa magulang..........
     Pagkasangla ng kinabukasan..........
     Sakuna..........
          Tila mga butil ng rosaryo
          Walang hanggang pagtitiis

Bukas darating ang maniningil – ng hinuhulugang 5-6
Nakasangla pa rin ang ATM sa ‘Lend Bank’ – di na matubos-tubos
Tinawag na lahat ng santo at santang maaaring utangan
Ng panustos na biyaya –
          GSIS Loan, ipanalangin mo po kami
          Provident Fund Loan, kaawaan mo po kami
          Kooperatibang Malapit, maawa ka sa amin
          Bumbay sa palengke, ipag-adya mo po kami
          Kubrador ng huweteng, patayain mo po kami
          Lotto, GrandLotto, MegaLotto, SuperLotto, UltraLotto,  
                  patamain mo po kami
          BIR, patawarin mo po kami
          Presyo ng langis, kahabagan mo po kami

Lahat ng ito’y isinasamo namin
Dahil lahat na yata ng kahirapa’y nasa AMEN.
041716

Naakit ako sa linyang pahalang at patayo,
Mga detalyeng pinira-piraso.
Sabi ko sa sarili: saulo ko na ang istilo Mo
Pero sa bawat pahina'y nabibighani pa rin ako.

Hindi ko alam kung kaya ko,
Magtiyaga man ako pero hanggang kailan kaya?
Kung maglalaan ako ng sentimo sa araw-araw,
Ako'y pulubi pa ring manlilimos Sayo
Sasahod at maghihintay.

Masisilayan ko ang pundasyon
Ang mga bakal na kinalawang
Sa bodegang inimbakan.
Pagkat malayo pa ang byahe,
Bagkus sinelyuhan ng langis
Ang may tagas ng pagbabago.

Ang halo ng semento, ni hindi naging pribado
Nasa hulog ang mga poste
Gaya ng minsang banging tinalunan ko.
Ako'y malaya sa pagsilip
Ng paglapat ng palitada sa tigang na kahong sementado.
Ramdam ko ang gaspang ng kahapon,
Ang kurba ng mga bakal na di patitibag
Sa kaibuturan ng pundasyong timplado.

Ilalatag ang sahig na papagpagan sa araw-araw
Ihahalik ang mga paa nang may pagpapakumbaba
Huhubarin ang saplot nang kalingain ang lupa
At ihihimlay ang mga paa't mamamahinga.

Pagmamasdan ko ang mga kahoy na malapad
Isang dipa, dalawang dipa at higit pa
Mapapatingin sa langit na hubad sa bituin at buwan.
Ang bubong na siyang sasaklolo sa umuubong baga
Mga kahoy at bakal na matibay
Sasalo sa bigat ng orasyon ng klima.

Bubuksan ko ang bintanang may iba't ibang pagkapinta
Ni hindi pumapalya ang eksena na bumubusina sa umaga
At sa gabing hamog ang yakap sa dilim,
Kagat ng niknik, siyang sining sa maalat kong balat.
Tanging kumot ng grasya,
Pantago't pantapal sa pagkataong nilalagnat.

Nakakaakit ang plano, maging itsura nito
Kaya nga magtiya-tiyaga ako,
Hanggang sa masilayan ang tunay na disenyo.
Hindi lang ako ang lalaban sa presyo,
Oo mahal nga, ganyan ang pagtingin Mo
Tataya ako, pagkat kliyente lang ako
At alam kong linya Mo yan,
Ikaw ang aking Arkitekto.
Denise Sinahon May 2020
Panibagong tula nanaman
Panibagong eksena sa aking buhay ay iyong masasaksihan
Handa ka na bang mabasa kung paano ako nasaktan?
Ng mga salitang binitawan ng taong aking pinapahalagan

Nagsimula ito nung panahon na ako ay iyong pinangakuan
Ndi ko inaasahan na magkakaroon ito ng epekto sa aking katauhan
Katauhan na aking binuo at iniingatan
Ngunit masisira ulit ng dahil sa mga pangakong nag wakas ng dahil sa mga pangyayaring di inaasahan

Akala ko iba ka sa mga taong sa akin ay ng iwan
Ang hindi ko alam isa ka rin plang martilyo na lahat ng pangako ay napapako lamang
Pinaramdam mo saakin ang saya na tumatak sa aking isipan
Ngunit nag iwan din ng sakit na hinding hindi ko malilimutan

Nakabangon ako dahil naging matatag ako
kinaya kong labanan ang sakit na iniwan mo
Kahit na binalik mo ang isang bagay na matagal ko ng gustong itago
Sinira mo nanaman ang pagtitiwala ko sa mga taong nasa paligid ko

Pero salamat pa rin sayo
Kahit na ganito ang nangyari sa buhay ko
May aral kang iniwan sa kokote ko
At yun ay wag magtiwala kung kani kanino

Ndi sapat ang tagal ng pagkakakilala
Para mapatunayan na ndi ka iiwan bigla
Dahil pag may nahanap ng iba Na nagpapasaya  sakanya ng sobra
Makakalimutan nia ang taong nasa tabi nia sa tuwing siya ay may problema

Maaring ndi naging sapat ang effort na pinakita mo
Para sakanya na ndi marunong makuntento
At naghahangad pa ng mas matinding lambing at pag suyo
Kaya wag **** sisihin ang sarili mo,wala kang kasalanan sa mga ito

Laging tatandaan at wag na wag kakalimutan
Ang taong marunong makuntento sa kanyang naiibigan
Ay nagmamahal ng purong katotohanan
Hindi ko sinasabing ikaw ay aking nagustuhan

Wag umasa at baka masaktan
Pero ako ay aminado na muntikan
Muntikan na akong mahulog sa isang taong torpe at gago
At easy to get ang gusto

Ayaw mo ng make up at kung ano anong pampaganda
Pero ung jowa mo muka ng pabrika ng harina
Sa sobrang puti ng kanyang pagmumukha
Nakakatawang isipin na ndi mo napanindigan ang binitawan **** salita

Maraming pagbabago
Ung taong nakasanayan ko
Ngayon wala na sa piling ko
May iba ng babaeng gusto

Pero masaya ako sa buhay ko
Dahil may mga taong nandyan para damayan ako
Intindihin ung ugaling minsan walang sinasanto
At ung pag iisip na ndi maiintindihan ng kung sino sino

Naguguluhan ako ngayon
Pero ndi ako pinapabayaan ng bakasyon
Binibigyan niya ako ng mga bagay na maaring pagbalingan ng aking atensyon
At andyan ang tropa handang makinig sa aking drama at orasyon

May isang mahalagang taong sakin nag sabi
Mahalagang matutunan ang pagmamahal sa sarili
Upang maging puro at totoo ang pagmamahal mo sa iba
At maging buong pagmamahal ang maibibigay mo saiyong sinisinta

Sa bawat tao na sa atin ay nang iiwan
Wag mawalan ng pag asa dahil sila ay lumisan
Maaring sila ay nag iwan ng isang aral na dapat tandaan
At sa hinaharap ay magamit sa mga mararanasan
Ang tulang ito ay maaring kapulutan ng mga aral na magagamit mo sa mga panahong ikaw ay makakaranas ng sakit at pighati na dulot ng pang iiwan sayo ng isang taong pinagkatiwalaan at minahal mo
Jun Lit Mar 2021
Binabaran ng mainit
na kapeng barako
ang naiwang tutóng
sa lumang kaldero,
walang panamà
ang kaning binudburan
ng niyadyad na tabliya
sa panlasa ng até at bunso
magkasamang nagmimiryenda
- matamis na bukayo
matamis na ala-ala . . .

Tanyag ang tamis ng sintunis
singkom man o lado
limot na ang hagupit
ng mga Hapones na malulupit
ng kahapong ayaw umidlip.
Nag-aanyaya ng pag-akyat
ang puno ng bitungol, halikayo
manibalang pa ang iba
ngunit tamang-hinog na pangkulunggo
sa mga isipang nahihilo’t nalilito.

Maghapon lamang ang kabataan -
mabilis, mabilis na dumaan
Orasyon na ngayon, wika ng impô
Huwag magpapaabot ng sireno
Pag di’y sip-on ang aanihin n'yo!

Opo, opo,
Dala-dalang buslô
Taglay ang naiwang litrato
sa sulok ng isipan, ng balintata-o.
Sa lahing hindi sumuko,
magkakasama tayo.
Brewed Coffee Poem 13 - 13th in my series "Kapeng Barako" (Brewed Coffee) - focusing mainly on my memories of my childhood in old Lipa City (Philippines); this one has been, in part, inspired by my reminiscence of one of my elder sisters, Ate Malen, as well as other members of our clan.

— The End —