Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
clarkent Aug 2017
-
Naaalala kaya niya ako
Sa tuwing maaamoy ang pabangong paborito ko
Sa tuwing hahalo ang amoy ng sigarilyo sa kamay
Sa tuwing sisimoy ang hangin papunta sa kanya,
Naaalala kaya niya ako?

Naaalala kaya niya ako
Sa tuwing maririnig ang dating awitin
Sa tuwing tatama ang mga lirikong dating para sa akin
Sa tuwing ang kanyang mundo ay napapaloob sa isang kanta,
Naaalala kaya niya ako?

Naaalala kaya niya ako
Sa tuwing dadapo ang inspirasyon
Sa tuwing hahanapin ng kamay niya ang isang lapis
Sa tuwing lilikha ng isang larawang iguguhit sa malinis na papel,
Naaalala kaya niya ako?

Naaalala kaya niya ako
Sa tuwing pipikit ang mga mata
Sa tuwing kadiliman na lamang ang nakikita
Sa tuwing lilipad ang isipan
Bago makatulog ng tuluyan,
Naaalala kaya niya ako?

Naaalala kaya niya ako
Sa tuwing mumulat ang kanyang mata sa bukang liwayway
Sa tuwing ang isipan ay pumupungas pa pagkatapos ng panaginip
Sa tuwing babangon siya sa panibagong araw
Sa panibago na namang umaga na ang kami ay wala na,
Naaalala kaya niya ako?

Kasi ako, oo.
Taltoy Mar 2018
Hinaharap, tadhana,
Kinabukasang sino ang maygawa?
Ano nga bang napapaloob,
Sa bugso ng damdaming may kidlat at kulog.

Lahat, balot ng katanungan,
Lahat, di nauunawaan,
Lahat, walang kasiguraduhan,
Mistulang ang lahat pagsisisihan.

Nakakatakot nga namang magkamali,
Mapait, mapupuno ka ng pighati,
Masusugatan, manghihinayang,
Sasabihing “kung di nalang sana nagpakamang-mang”.

Kabalighuan ba ang magbakasakali?
Ang paghingi sa’yong kamay ay isa bang pagkakamali?
Pagmamahal sayo’y di ba nagbunga ng maganda?
Damdamin ko ba’y nagpagulo sa isip mo sinta?

Ikaw ang nakakaalam nyan,
Ikaw, ang iyong puso’t isipan,
Ikaw ang magpapakalma,
Sa unos na kasalukuyang rumaragasa.
Ang mundo ay parang kampo
Mapaminsalang sandata napapaloob dito
Sinasanay mga magigiting na mandirigma
Sa pag-opensa at pagdepensa.

-01/14/2015
(Dumarao)
*Ang Mundong Pook Collection
My Poem No. 314

— The End —