Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Christien Ramos Jul 2020
Sinabi ko noon sa sarili ko na
kapag dumating ang gabing itutulak táyo ng hangin upang pagtagpuin --
kapag dumating ang araw na pagbanggaing muli ang ating mga damdamin,
silàng may kanya-kanyang hinanaing,

Huwag mo akong yayakapin.

Huwag mo akong hahalikan.
Huwag **** hahaplusin ang mga nanlalamig kong braso.
Huwag mo akong iiyakan.

Ayokong maalala ang kinabisa kong init mo.

Naniniwala ako na sapat na ang mga titig,
ang mga nangungusap na mata.
sapat na ang distansya,
ang espasyo sa pagitan nating dalawa.
sapat na ang iniyak natin noon.
sapat nang hindi táyo katukin ng mga ala-ala búkas.
sapat nang natuto táyo sa kahapon.
sapat nang kilala na natin ang lunas.
sapat nang napatawad kita't napatawad mo ako
at kung paanong napatawad natin ang ating mga sarili.
sapat nang káya mo nang matulog sa gabi
dahil sapat na ring káya ko nang gumising sa umaga.
sapat na ang mga naisulat na liham,
ang mga talatang humihingi ng kapatawaran.
sapat na ang mga musikang sabay nating inawit,
ang mga tonong hindi nagkakapanagpo.
sapat nang mga panyo na lámang ang nakasaksi ng mga hikbi ko sa gabi,
ng mga luhang nahihirapang matuyo,
ng mga pusong magkahiwalay na nagdurugo.
sapat na ang mga alak na nagmistulang kaibigan,
ang mga unan na yumuyupyop sa aking balat.
sapat na ang aking silid na itinuring kong simbahan
dahil sapat na ring paulit-ulit kong ipinagdarasal na maghilom na ang mga sugat.
sapat na ang magagandang gunita,
mga ala-alang ating ginawa.
sapat nang nagagawa mo na muling ngumiti
dahil sapat na ring nagagawa ko nang tumawa.
sapat nang naiintindihan ko na
at sapat nang hindi ka na magmakaawa.
sapat na ang mga regalong aking nagustuhan
dahil sapat na rin ang pagbitiw na hindi ko inayawan.
sapat na ang lakas ng loob na inipon ko dati
dahil sapat na rin ang tákot na naramdaman ko noong iyong sinabing,

"Hindi ka pa pala sapat."
Salamat.

Hindi mo ako masisisi kung minsan na akong naniwalang hindi ako ang nagkulang.

Pero ngayon.
Kapag dumating ang pagkakataon
na muling mag-krus ang ating mga nangungulilang landas,

Hahayaan kitang yakapin ako;
halikan ako;
Hahayaan kong haplusin mo ang nanlalamig kong mga braso at kahit sa huling pagkakataon,
Hahayaan din kitang umiyak

dahil ito na rin ang huling beses na kikilalanin ko ang init mo; at pagkatapos

kalilimutan ko na.

---
Eugene Mar 2018
Mahigit dalawang taong nawala
at inuna ang kapakananng pamilya.
Sa halos dalawang taong pag-iisa,
akala ko ang hiling ko ay makukumpleto na.

Nawala ang ningning sa aking mga mata,
napalitan ng lungkot ang mukha kong dati ay kay sigla.
Nang mapagtanto kong ako ay mag-isa pa rin pala
na nilalabanan ang sariling mahalin ka nang tama!

Malalim ang sugat kung sisisirin ko,
ni hindi ko nga maarok ang pinagmulan nito.
Ngunit sa bawat hapding dulot ng mga ito,
ay may nangungulilang isang pusong sabik na bumangon sa harapan mo.

Ngiting walang bukas kung ako ay tumawa.
Siglang walang katapusan kung ako ay iyong makakasama.
Hindi ba at kailangan kong ibalik ang dating sarili ko ay masaya
at bigyang puwang din ang kasiyahang mayroon ako noong una.

Sana sa pagsisimula ng pagbaong kong ito,
maramdaman kong muli ang sayang nagmumula sa kaibuturan ng aking puso.
Kakaibang siglang hindi na kailanman maglalaho pa
at bigyang laya na ang isipan sa mga darating pang unos at delubyo sa buhay ko.
fe Dec 2019
(Ina)

Lumipas ang mga buwan, ika’y di na nagparamdam,
Pakiramdam ko’y lumalayo ka na ng tuluyan.
Saan ka ba patutungo at ako’y iyo ng iiwan,
Wala na bang halaga ang ating pinagsamahan?

‘Di na tayo tulad ng dati;
Unti-unti nang naglalaho mga ngiti sa labi
Sa isipa’y nagtatanong ano na ba ang nangyari?
Kailan kaya kita makakasamang muli?

Pag-ibig mo ba’y tuluyan ng naglaho?
Na binura ng kahapon at tayo’y pinaglayo.
Ako pa ba’y dapat umasa
Na ika’y muling babalik pa?

Hanggang kailan maghihilom ang sugatang puso,
Na dulot ng nagdaang kahapon.
Hanggang kailan maghihintay ang nangungulilang puso,
Mga pira-pirasong puso na umaasang muling mabubuo?

— The End —