Kung kaya lang nating saluhin ang bawat hinagpis,
Ang bawat sentimong
Tinutunaw ng humahagulgol na kalangitan.
At kung kaya lang natin syang sabayan
Sa mga gabing tinutukso na sya ng antok,
Tinutuklaw papalayo sa nais nyang direksyon.
Ngunit hindi sya magpapaubaya’t
Mananatili syang gising
Na parang naghihintay ng panibagong panimula —
Ng bagong punlang ihahasik at ihahabilin sa kanya
Ng tinuturing nyang “mahiwaga.”
At balang araw ay darating ang kanyang gantimpala,
Pagkat walang ibang naging saksi
Sa bawat butil na isinisilang
Na sya mismo ang nakikiramay.
At sa bawat burol
Ay nauubusan na rin sya ng dahilan
Sa kanyang pagtatago at pakikipaghabulan.
Pagkat sya na rin mismo ang nagiging libingan
Ngunit sya’y tatahan at maghahanap ng tahanan.
Patuloy ang kanyang panlilimos,
Patuloy ang kanyang pagkauhaw,
Ngunit patuloy din syang umaahon —
Yayakapin ang sarili’t tatahan.