Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Stephanie Sep 2018
Walang Pamagat
: A Spoken Word Poetry by Stephanie Dela Cruz

Malumanay ang pagkumpas ng mga kamay ng orasan
Sumasabay pa tong nakakabinging katahimikan
At ako? Nandito sa loob ng apat na sulok ng munti kong silid
Kabisado ko na ang bawat detalye ng kwartong ito ngunit ito parin, nagmamasid
Na para bang nasa ibang lugar ako, nangingilala, nagtataka
Tulad ng kung paanong maraming tanong ang gumagambala sa katahimikan ng sandali
Mga tanong na habang pilit kong hinahanapan ng sagot ay mas lalo lamang nagpapaalala sayo
Sayo at kung anong meron tayo… noon
Para ka rin palang kwarto ko.
Kilala kita, kabisado ko na ang takbo ng isip mo
Alam ko kung kailan ka nagsisinungaling kapag sinabi **** “okay lang ako”
Alam ko kung ano yung mga tugtuging hinahanap-hanap ng pandinig mo
Alam ko kung paano magniningning ang mga mata mo kapag nakakakita ka ng cute na aso
Alam ko dahil inalam ko, alam ko dahil ipinaalam mo, alam ko dahil ginusto kong malaman
Kilala kita, kabisado ko ang bawat tibok ng puso mo
Pero muli, para ka rin palang kwarto ko
Na kahit gaano kita kakilala at kakabisado, naguguluhan pa rin ako
Nangingilala;
Nagtataka;
Dahil kahit naging malapit ka sa akin ay tila parang napakalayo mo pa rin
At kahit gaano kita kakabisado ay hindi ko pa rin alam ang kasagutan mo sa mga  tanong na iniwan mo sa akin kasabay ng pag-alis mo sa buhay ko:

bakit.

Bakit ka pumasok sa nananahimik kong buhay para pasiglahin ito at sa huli ay iwan ako?
Bakit mo ipinadama sa akin na importante ako para lang isang araw ay ipadama na wala na kong halaga sayo?
Bakit mo ako nilapitan nang may ningning sa mapupungay **** mata at matamis na ngiti sa iyong mga labi?
Bakit mo ipinaulit-ulit ng bigkas ang pangalan ko na hanggang ngayon ay musika sa akin?
Bakit ka nagpakilala para lang sa huli ay limutin?
Bakit ka lumapit sa akin na parang isang apoy na nagbigay liwanag ngunit siya rin palang tutupok sa akin?
Bakit ka dumating sa buhay ko para lamang sa huli ay lumisan?

Ang daming bakit pero iisang bakit lang ang gusto kong sagutin mo.

Bakit mo ako iniwan ng biglaan?

At hindi naman ako tanga.
Alam ko na iba tayong dalawa.
Sabihin mo nga sa akin kung paano ko hindi bibigyan ng pansin ang sigaw ng mga kilos **** sinasabing espesyal ako?
Paano kung sabihin ko sayong pinakinggan ko ang bulong ng puso mo noong unang beses na inaya mo akong kumain sa labas?
Paano kung sabihin ko sayo na narinig ko ang pangalan ko sa pagitan ng pagpintig ng pulso mo noong inabot mo ang mga kamay ko?
Paano kung naiintindihan ko ang ibig sabihin ng mga biro **** nagpapahiwatig na ako ang gusto mo?
At paano kung sabihin ko sayo na nakita ko ang nakaukit na ‘mahal kita’ sa ningning ng mga mata mo sa tuwing magkasama tayo?

Hindi naman ako tanga.

Alam mo ba? Tayo ang tulang ito.

– walang pamagat

Kumbaga sa linya ng isang kanta ay “oo nga pala, hindi nga pala tayo”
Na katulad ng isang pelikula, hindi lahat ay nagtatapos sa happy ending
At katulad ng isang nobela, masaya man o malungkot, lahat ay nagtatapos

Sa lahat ng nobela, itong sa atin yung kuwento na hindi naisulat ngunit nagtapos
Natapos ngunit walang paalam

Kahit wala tayong pamagat, gusto kong pahalagahan ito
Dahil ito yung meron tayo.
Medyo magulo pero ito, tignan mo, naisingit ko na yung salitang “tayo”

Sayang.

Sana kumapit ka pa.

Naiisip ko pa rin gabi-gabi kung bakit ka lumayo
Patawad, naaalala pa rin kita kahit hindi ko naisin
Patawad, umaasa pa rin ako na babalik pa sa dati ang lahat
Dahil naniniwala pa rin ako na nobela tayo
At hindi pa nagtapos ang kuwento noong huling beses na humakbang ako palayo at hindi ka nagsayang ng segundo para lumingon sa direksyong tinahak ko

Naghihintay ako.

Mali pala ang pagkakagamit ko ng mga salita.

Wala pa tayong pamagat

Ngunit malay mo balang araw ay magkaroon din at habang hindi pa dumadating ang araw na iyon, ipipikit ko ang mga mata at ibubulong sa hangin na…

sana malaman mo na mahal din kita.
Tungkol saan kaya ang isusulat ko?
Dito sa papel at lapis na hawak ko?
Tungkol kaya ‘to sa kapaligiran ko?
O sa nararamdama’t karanasan ko?
Ngayon, nananatiling blangko si papel
Nakasulat palang itong si letrang “L”
Hayy ‘di pa naman tumutunog ‘tong si “bell”
Kaya gagamitin nalang muna si “cel”
At lumipas ang mahigit isang oras
Napansin ko, ako’y nagsayang ng oras!
Hayy nakoo! Bakit  dito  bilis mo oras?!
‘lam mo nang ayokong tumayo sa labas.
Nakoo ‘yan na si teacher [insert pangalan]!
Ay! Itago! Itago si “cel” bilisan!
Ibalik si papel! ‘tong lapis tasahan!
Para ‘di guilty mukha, boses lakasan!
Ay teka’ ba’t si teacher’  dito ang *****?
Parang umaapoy kanyang mga mata
Biglang kinabahan na parang ‘sang bata,
Hayy nakoo! Ako ata’y lagot nanaman!
Nahugot agad si “cel” sa pagalapit niya
At inilagay niya sa drawer ng mesa niya
Itong aking nararamdaman, ‘di kaya
Pawang nan’liliit’ sa labis na hiya.
Kaya kasama ulit si blangkong papel
Kasama narin ‘tong si tanging letra “L”
Ngunit ngayo’y ang lungkot’ wala na si “cel”
At saktong tumunog itong si lokong “bell”.
dedicated to all my fellow Filipinos here in Hellopoetry!

My first and only poem written in my native language.

From 3 years ago.

(07 – 25 – 2013)

— The End —