Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Arelove Sep 2017
Nasaksihan ko kung paano nabuo, nabubog, nadurog ang pagkakaibigan nyo.

Nasaksihan ko ang bawat tawa, bawat luha na pumatak mula sa mga mata ninyong dalawa.

Nasaksihan ko kung paanong hindi nyo mahiwalayan ang isa't isa pati na ang minsang nagkunwari kayong di magkakilala.

Nasaksihan ko. Nasaksihan ko ang lahat maging ang pagkakalamat sa bagay na ingat na ingat kayo, pati na rin ata ako.

Dahil sa panahong kayo ay nabuo, nabubog, nadurog ay sumabay ang puso ko sa pagdurugo ng sa inyo.

Sa panahong halos maubusan ng hininga sa kakatawa, maniwala kayo, mas masaya ako kaysa sa inyo.

Pero sobra din ang sakit kapag kayo ay magkagalit dahil sa pagkukunwaring multo ang isa't isa o kaya'y taong di ninyo kilala hanggang sa magkapikunan kayong dalawa.

Akala ko'y iyon na ang pinakamalungkot sa lahat. Nagkamali ako. Dahil mas malalim pa sa lungkot ang lumukot sa kalooban ko nang umagang iyon. Nang makita ang ilang pahiwatig ng nalalapit na pagtatapos, ng pagwawakas ng bagay na minsang nagpalakas sa inyong dalawa.

Akala ko, tuluyan na itong masisira. Ngunit mukhang di ako pwedeng manghuhula dahil...

Nasaksihan ko ang muli nyong pagkapit, paglapit sa isa't isa kahit pa pilit kayong pinaglalayo ng hindi niyo pagkakaintindihan, ng inyong pagkakasakitan.

Nasaksihan ko kung paano nabuo, nabubog, nadurog, at muling nabuo ang pilit na pinaglalayo.

— The End —