May paligsahan ng palakasan ng palakpakan sa Batasan Complex.
May pabuyang naghihintay
sa mapuputulan ng kamay
kakapalakpak kahit palpak at sablay.
Pabayaang maglaway ang mamamayan sa kaunlarang ibabandila.
Hayaang mabilaukan ng kathang-isip ang mga pasilyo,
wawalisin na lang ito mamaya
o bukas kapag iba na ang usong balita.
Kapag kasuotan na ang pinag-uusapan.
Madulas kayong lahat sa nasayang na laway.
Naghahanap ng away ang hindi pupuri.
Ang hindi sasamba.
Ang ayaw sumama sa pagsimba sa katedral ng kasinungalingan
pagugulungin sa labas ng bulwagan.
Walang puwang ang katotohanan kaninong palad man ito nakasulat.
Kaya’t huwag itong iladlad.
Huwag itong itambad.
Huwag hubaran ang matagal nang nakahubad.
Ibibilad kayong mga bastos.
Iiwas sila sa pakikipagtuos,
dahil mas matigas pa sa mukha nila ang inyong katwirang
huwag sumali sa paligsahan.
Dahil ang masigabong palakpakan ay nakalaan sa sambayanang lumalaban.