Kayod para sa kakarampot na barya.
Sirbisyong kalabaw ngunit binipisyo ko’y wala.
Ang hanap buhay ko’y ikinabubuhay ko pa kaya,
O para sa mga taong minamaledukado ang tulad kong dukha.
Katamaran ay katumbas ng kahirapan bintang ng konyong bulaan.
Hindi tamad ang tulad kong madalas niloloko at napagkakaitan.
Ang kawalan ko ng oportunidad ang syang tunay na dahilan.
Maledukadong tulad ko’y walang luwalhati sa lipunan.
Pagmasdan ang bayan tila nagpapasakop-sakupan.
Sa lawak ng dagat tila walang mapangisdaan,
Sa lawak ng lupa tila walang matirhan.
Ang tulad kong maledukado’y saan ma’y tila walang karapatan.
Ang kahirapan nawa’y sa tulad ko ay wag isisi.
Ang buhay sa aking paghahanap buhay ay nais din mapanatili.
Sa kasaganahan ay nais ko din makibahagi,
Ngunit ako’y maledukado at sa lipunan ako’y basurang masasabi.