Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
Dilaw na trayanggulang babala
Ilang hugis lobo na sayad sa lupa
Parisukat na alaga'y basong nag-iisa
Naghihintay sa ekstrangherong sasaling muli
Nang ang dati'y maitapon
Ang bago'y maidampi na sa uhaw na lalamunan.

Naglaho sila't nagsipangwala
Ang lupa'y hati sa sukat na pantay
Nilamon ang mainit na hangin,
Umihip ang taglamig na hindi nyebe
Bumulong sa akin, ngunit walang pahiwatig.

Tila namamasyal ang telang marumi
Pupuswit ang tubig mula sa bibig
Ipon nya'y kayrami,
Bukas sana'y maubos na ang mga ito
Nang ang dungis ay pahiran din ng malinis na likido.

Parehas ang kulay ng tumawid sa linyang puti
Higit sa isa ang bawas na sinyales
Akala ko'y kilala ko, ngunit naglaho sa usok
Ang apat na bilog na itim,
Gumulong at rumolyo sa aspaltong pulbura.

Itong may pula ang sutla
Itim ang tangan na may kasama pa
Bumungad at inihaing may lista
Ngayon pala'y may salamin sa harap
Malayo ang hugis at ang porma
Hindi ko na binalingan ng pansin
Ngayo'y laos na ang bawat eksena.

(6/3/2014 @xirlleelang)
Zeggie Cruz Sep 2015
Nandito ako sa kabilang panig
Nagaantay na muling marinig
ang mga tinig  na nawala
Sa ibabaw ng aking mundo at ng luha

Sa kabilang panig nagbibilang
ng mga araw sadyang kay tagal
muling pagkikita, nag-aabang
Muling pagsasama, nahihibang

Paano ba hahanapin ang kahapon
Naibaon sa sadlak ng alimuom
Dumidikit sa kailaliman ng ilong
Ang alaalang hindi maitapon

Parang labadang hindi tinuyo
ng sinag ng araw, nakulob
Sa loob ng damdamin
nagkukumahog

Naghihikahos, nabuburyong
Minsan pang ibalik, alaala
lagusan ng saya ata kaba
Kelan ka kaya makikita.

— The End —