Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jul 2019
Kasabay ng patak ng ulan
Ang luha kong umaagos nang marahan
Damdamin ay nasasaktan
Panibugho kong di tumahan

Bakit ako'y pinagpalit
Palagi naman sa iyo ay mabait
Minahal kita nang higit pa sa iyong nalalaman
Pagmamahal na iyong pinabayaan

Ikaw ang aking pinipintuho
Kahit sasalungatin ng bagyo
Di ako mapapadaig
Delubyo man ang maging dulot nito

Ang putik sa mga paa kong dumidikit
Ay parang pumipigil sa paghakbang
Kahit mabubuwal sa daan
Patuloy pa rin sa paglakad

Sa tuwing iniisip ka
Nalulungkot ako't humihikbi
Ang pait ng dagat
At ang alon ay sampal sa pisngi
sapagkat iba na sa iyo ang nagmamay-ari

Matalim ang bawat pagaspas ng mga dahon
Ang mabanayad na awit ay nagdadagdag ng sakit
Habang sa silong nag-iisa
Nalulumbay ako nang inaalala ka

Ipikit ko man ang mga mata
Ay hindi tinakpan na bituin sa gabing maulan
Sapagkat maaliwalas gaya ng batis
Ang kagandahan mo na nagniningas

Kaya pagkatapos ng ulan
Sa silong ako'y pabayaan
Iniwan mo sa akin ang awitin
ng damdamin kong umiibig
kingjay Aug 2019
Muling hahanapin ang ningning ng bituin
At ipapanalangin sa langit
Na sana'y may gintong rosas
Sa likod ng kulimlim

At may katiwasayan sa alapaap
Para doon humimpil
Ang mga pagod na bagwis,
Ang hangarin na pinagbubuntunan ng pag asa

Nanaisin na mamahinga sa disyerto
Kaysa lumanghap ng samyo
Ng mga dawag
Sa paraiso sa ibabaw ng lupa

Kung may araw na sisikat
Sa silangang kong mahal
Kapag nang aakit na ang yaong liwanag
Tatalikod at magtatago

Sapagkat madaling mabulag sa kanyang kasikatan,
Mahumaling sa kanyang kariktan
Maglulumbay din sa wakas

Kung saan ililihim ang kapanglawan
At titiisin ang kahapdian
Kung mabanayad na ang pakiramdam
Ay dadalawin naman ng kahapisan

Talastas ng mga mata
Ang anyong nakikita
Ngunit di matatarok
Parang ang kati ng lawang malinaw

Susuungin ang daloy ng ilog
O magpatangay sa alon
Ang buhay na pinag iingat ingatan
Ay nililisan ng katatagan

Kaya ang bawat pag ngiti
May luhang sinusukli
Ang kaginhawaan may pawis na pinupuhunan

Sinasagap ng paningin
At ng nasa ang pagpahinuhod ng
Sandali
Sa kapalaran na pinaglilikatan ng mabuting halimuyak

Maglalakad na tangan ang lumbay
Tungo sa lugar na pinagmulan
Sa alabok babalik
Ang hiningahang buhay

Di na lilingon at mag alalala
Sana'y di na mabubuwal sa pag alis
Sa maluwalhating pagsalubong ng hangin
Mananahan sa likod ng mga ulap
bakit kailangan sa harap ng iba Kunwari nakangiti ka?
kahit ang totoo sa loob loob mo hindi naman talaga.
bakit kailangan sa paningin ng iba  ipakita **** Kunwari matatag ka?
kahit na ang nararamdaman mo ay nanghihina ka.
bakit kailangan sa kaalaman ng iba Kunwari malakas ka?
kahit ang totoo mabubuwal ka na.
bakit kailangan sa harap ng iba mag kunwari masaya ka?
kahit ang totoo durog na durog kana.

Dahil ba mas ok ng malaman nila na ok ka,kaysa ipaliwanag pa yung totoong nilalaman ng puso mo?
O Mas maigi na siguro ang mag Kunwari kaysa ipakitang Mahina ka.
kasi hindi lahat ng pinapakita sayo na Pag-aalala ay totoo.
not all people that showing you a care is real.sometimes they just ask to get some information  to make you down.

— The End —