Submit your work, meet writers and drop the ads. Become a member
kingjay Jan 2020
Sa kanyang himig ako'y nahahalina
Magkasintunog ng mga ibong malaya
Umiindayog sa puso ko't pagsinta
Misteryosong dilag, sino s'ya talaga?

Sa tuwing napapanood 'y anong ganda
Mata'y matimyas na tala sa umaga
Tanglaw sa daigdig na puno ng hiwaga
Liwanag sa bukang liwayway 't hiraya

Manipis ang labing kakulay 'y makopa
Malamyos ang tunog ng bawat salita
Halik ng anghel ang dapyo ng hininga
Halimuyak ay buhay, di nawawala

Kahit panlalaki ang gayak at porma
Na kanyang ginampanan sa prima donna
Munting lawiswis na lupaypay 't mahina
Nang lumaki'y diwata sa encantadia

Ang isip ko ay kinabig 't kinawawa
Ginapos nang mahigpit ng kanyang drama
Madalas ay namumugto ang mga mata
Kapag nasisilayan s'yang lumuluha

Huwag sana pabugso bugso't pabigla
Ang tibo niyang pangungusap at banta
Sapagkat nababagha't natutulala
Damdami'y pinamumugaran ng kaba

Sa kumpas ng mga kamay ay humahanga
Isang paraluman na ang kiyas 'y siga
Hudlum sa kanto na mahal ang pamilya
Pinakamatapang na lahing Claveria

Sa likod ng pagganap ano nga ba s'ya?
Sapantaha ko ay magalang na bata
Binibini at dalagang Filipina
May puring Perlas ng Silangan ng Asya

Lingid sa kamalayan nang napahanga
Sa kanyang angking galing bilang artista
Dagdag pa ang sayaw n'yang mala-prinsesa
Sa makabagong tinikling, siya'y reyna

Araw 'y nakahilig sa katanyagan n'ya
Harap 'y pangarap na sinasalubong pa
Hiyas s'ya sa mundo na walang kapara,
Kumikinang at nagbibigay pag-asa
kingjay Dec 2018
Puno ay tumatanda
Nalalagas ang dahon sa balingkinitang mga sanga
Minsan may lagutok na maririnig- biglang pagluksa

Itanong kung kailan ang mga lawa ay matutuyo
Tubig niyang malinaw, may lalim na hindi matanto
Ito'y pagtahak sa walang hangganang hiwaga

Espiritung gala, isipin ang kalagayan
ng katawang lupaypay
Turukan ng gamot o ng gunita ng kasiglahan
Halik ng kahapon ay alaala ng kahapisan

Hawakan ang kamay na nanginginig
Matamlay na  anak Niya'y sa aruga salat
Ang paglipas ng oras ay gayundin ang pasasalamat
Habaan ang sandali na may hininga't sarap

Pawis na  nakabilad sa hamon ng buhay
Mararanasan ang init at pait
Ang pagpapahalaga sa katapusang ninanais
kaakibat ay lumbay

Paruparong itim magkatambal sa paglipad
May babala man huwag isaisip
Pusang tumawid sa harapan
Ibaling ang paningin
Magrosaryo saglit, sino ang mawawalan
Jun Lit Mar 2021
Ang bayrus ng COVID ay tila makasalanan.
Katulad s’ya ng isang halimaw sa katahimikan,
o isang ministrong mataas ang katungkulan
na aliping tagasunod ng kanyang among si Kamatayan.
Kahit anino pa lamang n’ya’y dulot
ay lubos na takot, katulad ng pinakamadilim
sa mga gabi, o sulok ng guwang
o pinakailaliman ng karagatan.
Kumakatha sa isipan
ng mga kakila-kilabot na nilalang
at pinagagalaw sila ng sabay-sabay
nakaambang silain, lamunin
ang bawat kaluluwa, ang mga dibdib binabaklas
upang nakawin ang mga pusong malinis at wagas -
hinihigop ang lahat ng dugo, bawat patak
sinasaid ang bawat pintig ng natitirang lakas..

Malupit itong coronavirus,
isang haring espada ang batas, ang utos.
May kumakalat na ulop, ang madla’y binabalot;
walang kamalay-malay nilang nasisinghot,
orasyong buhay ka pa’y loob mabubulok.
Sa pintuan, naririnig ang katok:
isang panauhing di-kanais-nais ay gustong pumasok,
isa na namang payapang tahanan,
ang kanyang natuklasan.
Wari’y may samurai na iwinawasiwas
doon, dito, nananabas, walang habas
kapagdaka, lahat ng tila nasugatan, mga biktima
lupaypay, bagsak ay sa ospital, lugmok sa kalungkutan,
kinakapos ng hininga, unti-unting nalulunod mistula,
ng sa baga at lalamunan, ay naiipong sariling plema.

Ang pandemyang ito’y isang salaan
salamin ng lipunan,
isang digmaan, kung saan
mailap ang tagumpay at katapusan
at bawat laban, laging anong sakit, talunan.
Lahat ng uri at sinsin ng pangsala ay taglay:
pusong may kabaitan, sa walang puso’y inihihiwalay
maayos na pag-iisip, ibinubukod sa mga lutang at walwal
matatapat, angat sa mga kurakot sa mga larangan
prinsipe’t pulubi, pilosopong tunay
at mga tagasunod, makata’t mga mang-aawit.
Salaan
ng mga malubhang pagkakamali
ng nakaalpas na pagkakataon
ng mga leksyong dapat pang matutunan
ng mga landas na hindi nakita, at maling tinahak
ng daan tungo sa kaligtasan, anuman ang kanyang kahulugan,
anuman ang halagang kabayaran.

Ang pagkakaliit na bolang ito ay mamamatay na payaso
mapanghati, katulad ng isang salaming nanlalansi, nanloloko
pinag-aaway:
Hilaga laban sa Timog
Silangan laban sa Kanluran
pinakamahihirap sa mga mahihirap
itatapat sa angkan ng kamahalan
at ng mga bago’t biglang-yaman
at ang nasa gitna: Aba! Aba! Isang iglap ay sigaw
“Saan ang Hustisya?”
at hindi naambuhan ng ayuda
kayamanang munti sa panahon ng taghirap
na nang panahon ng sagana’y inismiran, sabay irap
sila umanong nagbubuwis,
bakit ngayon ay nagtitiis?
Parang sina Cain at Abel naghinagpis
Nahihiya ako. Nahihiyang labis.

Ito ang krisis. Takot ay inihahasik.
pinagsasama-sama sa iisang inayawang bayong
ang tila abuloy na pamatid-gutom
na nakamaskara bilang rilip na tulong,
lahat ng kinatatakutan -
pagkawalay,
                         pag-iisa,
kapanglawan,
                                          ­        diskriminasyon,
matinding kalungkutan,
                         pagkakasakit,
                         kamatayan . . .

Labis akong nag-aalala.
Labis akong natatakot.
Ang pagsasalin ko sa Tagalog ng aking tulang Covidophobia
[My translation into Tagalog of my poem Covidophobia] - pp. 92-94 in Kasingkasing Nonrequired Reading in the time of COVID-19 Alternative Digital Poetry Magazine Issue No. 4 (April 2020)
Isang araw maririnig mo malambot Kong tinig.
Kalambutang nagpatigas sa iyong pusong pumapantig.
Pusong noon ay natutong umibig.
Natuto subalit nasaktan sa pagkabig.
  
Masilayan ka lamang ay labis na ang kasiyahan.
Makausap lang saglit umaapaw na ang kaligayahan.
Ang katawan ay nalantang bahagya nang maramdaman.
Mainit **** haplos sa hubad na katotohanan.
  
Subalit ikaw ay lumisan sa aking tabi.
Iba na ang dumadama ng matamis **** mga labi.
Sa pagmulat sa umaga Hindi ko na masabi.
"Mahal kita, Mahal kita" pagkat di ka na katabi.
  
Isang araw ako ay magigising at muling babangon.
Subalit di na para sa iyo sa limot ika'y ibinaon.
Ako ay tatayo upang harapin ang bagong hamon.
Sa kaluluwang lupaypay sa alaala ng kahapon.
  
Sa iyong pagbagsak ako ay aangat.
Sa iyong pagligwak ako ay masisiyasat.
Iyong hahanapin pag-ibig na nilapat.
Subalit pagtingin mo ay Hindi na sapat.
  
Kalambutan Kong nagpatigas sa iyong puso.
Di batid ang umibig subalit natuto.
Iyo mang sinaktan ang isang tulad ko.
Isang araw maririnig mo malambot na tinig ko.
Stephanie Sep 2020
kung wari mo sanang kumalag
sa mga pangakong itinadhanang matibag
wag mo sanang limutin itong sinag
ng pag-ibig na nagbalik ng liwanag

nawa'y hindi pagsisisi ang kapalit
ng mga ngiting unti unting nawawaglit
bumuo ka ng isang sining na marikit
mula sa mga piraso kong lupaypay at gulanit

ngunit hindi ako isang malaking pasanin para sa iyo
hindi ako isang sumpang magdadala ng pagguho
hindi maaari, hindi ito ang nararapat sa iyo
maalaala mo sanang pag-ibig din ang paglayo


hindi ako nakakulong, ako ang tanikala
patawad, sinta, piliin mo ang lumaya

— The End —